^

PSN Opinyon

May basehan

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

Kaso ito ng PGI, isang kompanyang gumagawa ng acetylene, oxygen at iba pang mga gas na industriyal. Ipinamamahagi nila ang mga produktong LPG (liquefied petroleum gas) sa tulong ng iba’t ibang dealer. Direkta nila itong ibinebenta sa mga ospital, restawran at iba pang mga nagnenegosyo sa Visayas at Mindanao. Ang bawat lalagyan (cylinder) ay may bigat na 11-kg, 22-kg o di kaya ay 50-kg. Ang mga lalagyan ay ginawa para lamang sa PGI. Ang mga gamit ay mayroong tatak at logo ng kompanya.

Noong 2002, napansin ng PGI ang pagbaba ng bilang ng mga lalagyang isinasauli. Ang SGI, isa sa mga kom­panyang kakompetensiya ng PGI, ang siyang pinaghi­hinalaang may pakana sa pagkawala ng nasabing mga lalagyan sa merkado. Humingi ng tulong ang manedyer ng PGI sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) upang mabawi ang mga lalagyang di-umano ay nasa pag-iingat ng SGI.

Dahil sa reklamo, nagsagawa  ang CIDG ng imbes­tigasyon sa bodega ng SGI. Nagmanman sila sa pama­magitan ng pagpapanggap  bilang mga miyembro ng BFP (Bureau of Fire Protection). Kunwari ay nag-iinspeksyon ang mga operatiba sa bodega ng SGI kaya’t nakunan nila ng litrato ang mga lalagyan.

Noong Hunyo 4, 2002, humingi ng search warrant sa korte ang CIDG upang malayang makapasok sa bakuran ng SGI. Ayon sa kanila, pinanghahawakan ng SGI ang mga lalagyan na pagmamay-ari ng PGI. Dagdag pa nila, ilan sa mga lalagyan ang binakbakan ng logo at pinalitan ng logo ng SGI. Ang mga lalagyan ay ginagamit na walang permiso mula sa PGI at malinaw na paglabag ito ng batas (Section 2, Republic Act 623 as amended by Republic Act 5700).

Ang legalidad ng ginawang pagmamanman ay tinanggap ng hukom. Nag­labas ng search warrant ang korte at pinayagan ang CIDG na kumpiskahin ang sina­sabing mga lalagyan ng PGI na hawak ng SGI pati na rin ang anumang ebidensiyang magpapa­tunay na pinapalitan ang mga marka nito.  Nakuha mula sa SGI ang may 608 na lalagyan na may iba’t ibang bigat, mayroong may selyo at mayroong wala na. Sinam­pahan ng CIDG sa piskalya ang manedyer ng SGI para sa kasong pag­labag ng Section 2, RA 623. Dangan nga lamang at bandang huli, nang maki­usap sa korte ang maned­yer ng SGI, binaliktad ng hukom ang nauna nitong pahayag. Dahil daw hindi nakuha ng CIDG ang mga gamit at materyales na magpapa­tunay na pinaki­kialaman ng SGI ang mga lalagyan ng PGI, wala raw matibay na ebidensiyang magpapa­tunay sa mga para­tang ng PGI. Hindi raw sapat na ba­sehan ang mga na­kuhang lalagyan ng PGI kung wala rin lang patunay na illegal na ginamit ang mga ito. Tama ba ang hukom?

Mali po. Ang ginaga­mit na basehan sa pagla­labas ng search warrant ay ang mga ulat at sirkums­tansiya na hihikayat sa isang tao upang paniwa­laan na ginawa nga ang isang krimen o di kaya’y nasa lugar na paghaha­napan ang mga bagay na may kina­laman sa gina­wang krimen. Dapat na matibay ang ebiden­siya at hindi puro sapantaha lamang.   

Hindi tama ang konklus­yon ng korte na hindi pinaru­rusahan sa batas ( Section 2, RA 623) ang pagkakaroon ng  manedyer ng SGI ng mga  lalagyang nabanggit.  Malinaw na si­na­saad ng batas na pinaru­rusahan ang sinumang gagamit, magbebenta o di kaya ay maninira sa mga lalagyang rehistrado na ang marka (registered trade­marks). Walang ma­aaring gu­mamit sa natu­rang mga lalag­yan maliban sa rehistradong may-ari nito kaya’t ang pag­kaka­roon nito ay nagbi­bigay na agad ng impres­yon sa walang pakunda­ngang pag­gamit.

Nagkamali ang korte nang isantabi nito ang search war­rant. Hindi sapat na batayan ang di-umano’y pagkukulang ng CIDG nang walang ma­kuhang katibayan ang mga opera­tiba nito na magpapa­tunay sa ginagawang pakiki­alam sa mga logo at marka. Ang hinihingi lamang ng batas ay sapat na basehan upang ilabas ang search warrant. Sa kasong ito, itinaas ng korte ang antas ng ebiden­siyang kailangan upang ibigay ang search warrant. Ebidensiyang sapat sa paglilitis na ang hinihingi sa kanila ng Korte. Ang piskal lamang ang maka­kapagde­sisyon sa antas ng ebiden­siyang kailangan niya upang sabihing may base­han na dapat litisin ang akusado. Sa kasong ito, dahil napa­tunayang nagka­mali ang korte sa pagsa­santabi sa search warrant, nararapat lamang na isauli sa kustodiya nila ang mga gamit na sinam­ sam. (Santos vs. Pryce Gas Inc. G.R. 165122, Novem­ber 23, 2007).

LALAGYAN

PGI

REPUBLIC ACT

SGI

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with