(Ikalawang Bahagi)
Ginagamit sa ordinansa ang salitang “reproductive health”. Kunsabagay, mas katanggap-tanggap ito kaysa sa salitang “abortion”. Ngunit, kung tutuusin, kahit pa nag-iba ang pangalan, mga pamamaraang mapanganib sa buhay ng ina at ng di pa ipinapanganak na sanggol pa rin ang ginagamit. Kung titingnan kasi, kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng ordinansa ang abortion, mas madali naman ang pagkuha ng mga gamot at kemikal na pangpalaglag sa bata upang ganap itong mawala sa sinapupunan ng ina. Nagkakaroon din ng mga komplikasyon, maaari rin itong magdulot ng malalang sakit tulad ng kanser. Sa ordinansa, inilalahad ang maaaring gawin sa mga ganitong sitwasyon, animo’y pinalalabas pa na hindi krimen ang abortion kundi isang natural na resulta ng paggamit ng mga kontraseptibo. Sa ngayon, sa dami ng ibinabandong mga kontraseptibo, laging pinagdidiinan ang tinatawag na “safe sex”. Parang minemenos ang kahalagahan ng matrimonyo ng kasal at ang importansiya ng pamilya na pinapangalagaan sa ating Saligang Batas.
Ang isa pang nakatatakot sa sitwasyong ito ay ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa sex sa mga batang nasa Grade 5. Kahit pa nga sabihing mga bihasa ang mga gurong magtuturo nito, malinaw na pakikialam pa rin ito sa karapatan ng mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang anak. Mga magulang ang dapat na masunod lalo at tungkol na ito sa pagtuturo ng kanilang mga paniniwala sa mga bata. Masyadong personal at pribado na ang mga paksang tulad ng sex education.
Otsenta porsiyento ng mga Pilipino ay mga Katoliko. Isa sa mga tungkulin ng simbahan ay ang gabayan ang mga tao at ituro sa kanila ang tama at mali. Lalo at tungkol sa mga bagay na taliwas sa kanilang pananampalataya at moralidad. Kahit anong klase pa ng propaganda o pakulo ay hindi sapat upang maita-ma ang mga kapintasan at masamang epekto ng mga ordinansang tulad nito.
Sa kasamaang-palad, patuloy pa ring kumakalat ang mga maling ulat tungkol sa mga alagad ng simbahan. Diumano, si Juico na nagmula sa isang Katolikong pamilya ay patuloy na binabatikos ng mga taga-simbahan. May mga balita pa na hindi raw siya binibigyan ng komunyon at pinagbabawalan na magpakasal sa alinman sa mga simbahang kinasasakupan ng Obispo. Puro haka-haka lamang ang mga ito. Malabo naman na umabot pa sa ganito ang mga aktwasyon ng taga-simbahan. Ang puno’t dulo ng mga turo ng simbahan ay tungkol sa pagpapatawad, hindi sa pang-aakusa at panghuhusga. Maaari namang imbestigahan mula sa mga taga simbahan ang tungkol sa katotohanan ng nasabing mga balita. Ang hayaang patuloy na kumalat ang mga paratang na ito na walang basehan at hindi naman napapatunayan ay sadyang di patas sa simbahang Katoliko at sa mga klerikong sangkot.