Crisis sa palitan ng dollar

SA tingin ko, may crisis na ngayon sa mga pamilya ng OFW dahil sa mababang palitan ng dollar sa piso. Bakit kaya hanggang sa ngayon ay hindi pa nagdedeklara ang gobyerno na may crisis na nga? Hanggang sa ngayon, ang tanging iniaalok ng gobyerno upang tulungan diumano ang mga OFW ay ang pag-utang daw sa OWWA na parang malabo naman, dahil sinasabi naman ng OWWA na wala nang pera na maaaring ipautang dahil ubos na ang pera nila.

Noong mga nakaraang linggo, iminungkahi ko na dapat magkaroon ng special exchange rate ang mga OFW upang may proteksiyon sila sa palitan, ngunit parang mahihirapan ang gobyerno na ibigay ito. Kung hindi ito maibibigay ng gobyerno, bakit hindi na lang babaan ng gobyerno ang bayad sa remittance dahil sa tingin ko mas madali itong gawin.

Sa totoo lang, parang wala namang poder ang gobyer­no na iutos ang pagbaba ng bayad sa remittance, kaya ang dapat manguna sa hakbang na ito ay ang mga banko. Dapat isipin ng mga banko na matagal na silang kumikita at nakikinabang sa remittance ng mga OFW, kaya sa panahong ito na may crisis, dapat lang na tumulong sila sa mga OFW sa pamamagitan ng pagbaba ng kanilang singil.

Sino pa kaya ang maaaring tumulong sa mga OFW sa panahon ng crisis na ito? Sa tingin ko, maaari ring tumu­long ang mga owner ng mga mall at department store dahil matagal na rin silang nakikinabang sa pera ng mga OFW, katulad din ng mga banko. Ano ba naman sa kanila na mag-alok ng special discounts sa mga OFW upang gumaan naman ang kanilang mga gastos?

Katulad din ng gobyerno, nakikinabang ang mga banko, mga mall at mga department store sa mga OFW kaya dapat lang na mag­bigay naman sila ng pa­buya. Dapat lang magbi­gayan ang mga ito at ang mga OFW sa panahon ng karangyaan at sa panahon ng kahirapan. Kayanin kaya nila itong gawin?  

* * *

Makinig sa “KOL KA LANG” sa Radio Veritas 846 khz 5 to 6 Mon to Fri. Duma­law sa www.royseneres.com. Tumawag sa 5267522 at 5267515. Mag-text 09163490402.

Show comments