TAYO ang nagpauso ng salitang ‘‘people power.” Nang malansag ang 20-taong diktadura ni “Great Makoy” dahil sa mapayapang rebolusyon ng milyong Pilipino sa EDSA, sumikat tayo sa buong mundo. Nanguna pa ang Pilipinas sa grupo ng mga nasyon na kung tawagin ay “newly restored democracies.” The Philippines, overnight, became the epitome of freedom twenty-two years ago.
Ngayon, iba na ang pananaw ng mundo sa atin. Klasipikado na tayo bilang bansang “partly free” o hindi ganap na malaya. Katulad na natin ang mga bansang Bangladesh at Kenya batay sa ebalwasyon sa atin ng Freedom House, isang democracy watchdog na naka-base sa Amerika. Ito ay dahil sa mga nangyayaring political killings. Impresyon ng mundo na ang mga bumabatikos sa pamahalaan, lalu na ang media ay pinatatahimik.
Sa pananaw ko, sobra-sobra nga ang demokrasya sa Pilipinas. Lahat ay malayang gumawa ng ano mang bagay. Sa gobyerno, ang mga matataas na opisyal ay malayang mangurakot. Ang mga mamamahayag sa radyo, telebisyon o peryodiko ay malayang bumatikos sa katiwalian sa lipunan. Pero ang mga tao o samahang kanilang nasasagasaan ay malaya rin upang sila ay patayin para manahimik.
Dala ng karalitaan, ang mga tao ay malayang gawing residente ang mga lansangan. Malaya silang suminghot ng solvents para malango at makalimutan pansamantala man lang ang kalam ng sikmura. Ito’y isang uri ng demokrasyang tuliro. “Demo-crazy” sa isang pabalbal na taguri sa wikang Inggles. Gustong maging diktador ng administrasyon pero malayang pumalag ang tao. Sa loob mismo ng pamahalaan ay malaya silang magkontra-kontra ng interes at pananaw sa mga isyu.
Walang makatutumbas sa diktadura ni Makoy. Kinatatakutan ng taumba-yan. Lahat sunud-sunuran maging sa pagtawid sa tamang tawiran. Ang media ay matagumpay na nabusalan. Iba ngayon. Habang tinatangkang rendahan, lalu namang pumipiglas ang media. Oo, buhay na buhay ang demokrasya sa Pilipinas. Demokrasyang tuliro. Demo-crazy!