(Unang Bahagi)
MALINAW na ang lahat. Aktibong nakikialam ang mga banyaga, maging gobyerno man ito o mga pribadong grupo, upang mapababa ang lumalaking populasyon ng Pilipinas. Diumano, ang dumadaming bilang ng tao ang sanhi ng kahirapan sa bansa. Ang pamahalaang lokal ang pinupuntirya nila upang magpasa ng mga batas sa Kongreso o di kaya ay mga ordinansa sa mga munisipyo o bayan tungkol sa isyung ito. Pinaganda pa ang mga salitang ginagamit upang maging katanggap-tanggap sa ating Saligang Batas. Kunwari ay layunin nito na maibsan ang kahirapan, pangalagaan ang mga kababaihan at kabataan, at magbigay-linaw sa tinatawag nating “reproductive health”. Naunang nagpasa ang konseho ng Olongapo City ng ordinansa tungkol sa nasabing paksa. Sumunod, nagkalakas-loob na sila upang puntiryahin ang Quezon City, ang tinuturing na pinakamalaking siyudad sa bansa. Isa sa mga konsehal ng distrito, si Joseph Juico, ang nagmungkahi ng ordinansang tinawag na “Population and Reproductive Health Management Policy”. Naging lubhang agresibo na nga ang mga propagandang ginagamit ng mga banyagang grupo upang mag-pasa ng mga ordinansang tulad nito.
Nang tangkaing ipaliwanag ng simbahang Katoliko sa pamamagitan ni Obispo Honesto Ongtioco ng Cubao ang mga di kanais-nais na aspetong kaakibat ng nasabing ordinansa, lalo at tungkol sa pananampalataya at moralidad, binatikos siya ng aking kasamahang si Jarius Bondoc. Ayon sa kanya, malaki raw ang ipinagkaiba ng binasa ni Ongtioco at ang tunay na nilalaman ng ipinapasang batas o ang tinatawag nating “bill”. Tama siya sa paggamit ng terminong ito. Talagang dati pa naman ay isinusumite na sa Kongreso ang nasabing bill ngunit hindi nga ito maipasa dahil sa mga kasamaang inisa-isang ilarawan ni Obispo Ongtioco.
Tunay nga na malaki ang agwat ng minumungkahing ordinansa at ng binasa ng Obispo. Ang unang layunin ng ordinansa ay ang maibsan ang kahirapan na diumano ay dulot ng lumalaking populasyon ng Pilipinas. Ngunit ang totoo, hindi ang dami ng mga ipinapanganak ang sanhi nang lumalaking bilang ng tao sa Quezon City kundi ang pagdagsa ng mga tao sa lungsod na nagmula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Katunayan, sa pangkalahatan, bumaba mula 2.96% noong 2001 hanggang 1.764% noong 2007 ang tinatawag nating “population growth rate”. (Itutuloy)