(Ikalawang Bahagi)
Sa ordinansa, ipinalalabas na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalaglag ng sanggol o ang tinatawag nating “abortion”. Nguni’t sa kabila nito, mas madali naman ang pag kuha at paggamit ng mga gamot na nagtataglay ng mga kemikal na pangpahilab upang mas madali ang “premature delivery” o di kaya naman ay sanhi ng malubhang sakit tulad ng breast at cervical cancer. Ang ilan din sa mga ito ay nakakasagabal sa matibay na pagkapit ng embryo sa uterus at nagiging sanhi ng pagkawala ng sanggol. Kahit pa mahigpit na pinagbabawal ang abortion, napakarami namang paraan ng pagpaplano ng pamilya (family planning methods, techniques and devices) ang isinusulong na nagdudulot ng abortion. Sabay ding pinapaliwanag ang lunas sa “post abortion complications”, kaya’t kung tutuusin, kinikilala sa ordinansa na abortion ang nagiging resulta sa paggamit ng mga pamamaraang ito. Kahit pa nga idinidikta ng ordinansa na krimen ang abortion, masyado namang malinaw ang mga salitang ginamit upang hindi maintindihan ng bumabasa ang ipinahahayag nito. Ipinababatid ng ordinansa na hindi isang krimen ang abortion na dapat pagdusahan kundi isang komplikasyong hindi maiiwasan ngunit napaghahandaan sa pamamagitan ng mga nariyang “family planning methods”.
Ginagarantiyahan din di umano ng ordinansa ang karapatan sa pagpili. Binibigyang karapatan ang mga kababaihan upang piliin ang mga paraan (family planning methods) na kanilang gagamitin sa pagpaplano ng pamilya at kung ilan ang anak na gusto nila. Lahat naman tayo ay malaya. May karapatan tayong pumili sa pagkain na gusto nating kainin, sa kulay ng damit o di kaya ay sa klase ng sasakyan na gusto nating gamitin. Ngunit walang sinuman ang may karapatan na piliin ang isang bagay na nakasasama, hindi lang para sa may katawan kundi para sa lipunang kanyang ginagalawan. Hindi lisensiya ang kalayaan sa pagpili upang gumawa ng masama na tulad ng abortion. Sa paninigarilyo na nga lang, may babala pa na nakasasama ito sa ating kalusugan. Sa ordinansa, walang kahit anong babala na ibinibigay sa gagamit. Masyadong nakalilito at nakapanlilinlang ang ordinansa. Malabo ang ilan sa mga salitang ginamit. Hindi malinaw kung ano ang pinag-uusapang mga paraan, birth control pill lang ba o kasama na din ang “depo-provera” na napatunayang nakakasagabal sa pagkapit ng sanggol sa sinapupunan ng ina sanhi upang tuluyang mawala ito at magkaroon ng abortion. Ang ordinansa ay talaga namang nakakalito at nakakapanlinlang.
Hayagan din namang binibigyan ng importansiya ng ordinansa ang tungkol sa kahalagahan ng pamilya bilang isa sa pangunahing institusyon ng lipunan. Kaya nga lamang, ang isang nakakatakot sa sitwasyong ito ay ang pagtuturo o pagbibigay ng impormasyon tungkol sa sex/pagtatalik sa mga bata mula sa ikalimang antas hanggang sa hayskul. Kahit pa nga sabihing mga bihasa ang mga gurong magtuturo nito, malinaw na pakikialam pa rin ito sa karapatan ng mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang anak. Mga magulang ang dapat na masunod lalo at tungkol na ito sa pagtuturo ng kanilang mga paniniwala sa mga bata. Sa huli, binabalewala rin ng mismong ordinansa ang kahalagahan ng pamilya.
Ipagdasal natin na maliwanagan ang mga konsehal ng Quezon City. Huwag nilang hayaan na maipasa ang ganitong klase ng ordinansa. Tingnan nila ang kasamaang idinulot nito sa ibang bansa. Maraming sirang pamilya, wasak na tahanan, karaha san sa kabataan at maagang pagbubuntis ang idinulot nito. Kung nabubulagan sila at di nila nakikita ang masamang epekto nito sa lipunan, hayaan nilang alisin sila ng mga residente sa susunod na halalan.