If there’s a will There’s a way

DAPAT na ba tayong matuwa na batay sa report ng Philippine National Police at Department of Health, bumaba na ng 46 porsyento ang mga sugatan  sa pagsalubong sa bagong taon? Sabi pa ng mga awtoridad, walang naita-lang namatay kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon. Umm, okay iyan. Sana magtuluy-tuloy pa sa darating na mga taon.

Ngunit mas maganda siguro kung ang mga sakunang may kinalaman sa pagpapaputok ng mga fireworks ay mabawasan pa ng malaking bahagdan kundi man ganap nang masugpo.

Magagawa iyan kung ilalagay sa superbisyon ng pamahalaan ang paggawa ng mga rebentador at iba pang uri ng fireworks. Napansin ko na taun-taon, ang mga manufacturers ng pyrotechnics ay nakakaimbento ng mga malalakas na uri ng rebentador. Nung aking kabataan, ang pinakamalakas na paputok ay yung tinatawag na bawang. Ngayon, mayroon nang “goodbye GMA” at “Bin Laden bomb” at iba pang uri nang makadurog tutuling pam­pasabog.

Bakit hindi gumawa ng batas ang ating lehislatura na magbabawal sa mga malalakas na paputok upang mali­mita ang lakas ng mga rebentador sa antas na hindi lub­hang makapipinsala sa tao sakali mang magkaroon ng di maiiwasang sakuna?

Dapat din marahil na magtakda ng regulasyon sa mga pabrika upang maiwasan ang kaso ng mga sumasabog na pagawaan ng rebentador. Yung mga hindi sumusunod sa regulasyon o standard ng gobyerno ay dapat paru­sahan.

Ngunit hindi nangyayari iyan.  Nagugulantang na lang tayo kapag may  mga sumabog na pabrika ng paputok.  Panahon na para seryosohin ng gobyerno ang paglutas sa problemang ito. Magagawa iyan kung iibigin. Wika nga, “if there’s a will, there’s a way.”

Show comments