NAGIGING mahigpitan na ang lakaran para makakakuha ng magagandang posisyon sa gobyerno. Masakit na raw ang ulo ni President Gloria Macapagal-Arroyo kung sinu-sino ang kanyang pipiliin upang pamunuan ang napakaraming ahensiya ng gobyerno maliban pa sa mga Gabinete at sa mga posisyon na nasa ilalim nito. Kanya-kanyang bulungan at close guarding daw ang ginagawa ng mga padrino sa Presidente upang ang kanilang mga bata ang ma-appoint sa ninanais na posisyon.
Kahit na raw may napili nang magaling at well-qualified na ang recruitment panel ng Malacañang, napupurnada pa raw ito at nasisingitan ng bata ng isang impluwensiyal na pulitiko o kaya ng isang malakas na supporter na mahirap na mahindian ng Palasyo. Kung agawan ng posisyon para sa kani-kanilang mga bataan ang pag-uusapan, wala nang pinakamadugo kundi ang lakaran sa Gabinete at iba pang mga matataas na posisyon sa pamahalaan.
Ito ang dahilan kung bakit mahirap na asahan na talagang piling-pili lamang na magagaling at pinakamahuhusay lamang ang dapat na magsilbi sa gobyerno. Ang nangyayari, palakasan, suhulan at pambayad-utang ang nagiging batayan ng pagpili ng mga humahawak ng mga mahahalaga at sensitibong posisyon sa pamahalaan na dapat sana ay mga taong may dangal at may mga natatanging talino at pambihirang kaalaman sa posisyon na dapat nilang hawakan.
Hindi ko alam kung anong mga klase ang mga pipiliin ni GMA upang humawak ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Nabalita pa noon na bubuo pa raw ang Presidente ng isang special panel na mamimili ng mga karapat-dapat na mga opisyal na kukunin ng Presidente upang humawak ng mga posisyon sa pamahalaan. Isa sa mga hahanapin ng panel ay ang papalit kay Comelec chairman Benjamin Abalos.
Para sa akin, ang mahalaga ay ang sinseridad ng Presidente na magsilbi sa bayan ayon sa pinanumpaan niya. Sundin lamang ni President Arroyo ang kanyang Oath of Office. Nakakasiguro akong huhusay ang takbo ng ating bansa sapagkat susundin din ng mga nasa ibaba ang nakikita nilang ginagawa ng Presidente. Sana nga sa pagbabago ng mga tauhan ng gobyerno ay mababago na rin ang mga dating gawi at kaugalian at palitan ang mga ito nang magagaling at magagandang gawain ng mga namumuno na magsisilbing bagong halimbawa para sa lahat.