^

PSN Opinyon

‘Hustisya para kay Maila...’

- Tony Calvento -

(HULING BAHAGI)

Sa pagpapatuloy ng kuwento na inilapit sa amin ni Vilma Peria ng Bulag West, Bantay, Ilocos Sur, dalawang testigo ang lumutang ukol sa brutal na panggagahasa at pagpatay sa kanyang dose anyos na anak na si Maila.

September 23, 2007, bandang 5:00 ng hapon nang huling nakita ng kanyang mga kaanak si Maila. Hindi ito nagpaalam sa kanyang lola na si Bernarda na kasama niya sa bahay ng mga oras na iyon.           

Kinabukasan, bandang 7:30 ng umaga nang matagpuan ang katawan ni Maila sa tabing sapa. Nakahandusay ito sa tabi ng sapa at bahagyang natakpan ng dayami ang ibang bahagi ng katawan nito. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bantay Police District ay nalunod si Maila sa sapa. Labis naman itong pinagtaka nina Vilma dahil hanggang bukung-bukong lamang ang tubig sa sapang iyon.

Sa kabila ng pagdududa ng pamilya ng biktima ay pinalibing pa rin nila ito kahit wala pang malinaw na resulta ang imbestigasyon. Hindi matahimik sina Vilma sa sinapit ng anak. Hangad nilang mabigyan ng linaw ang nangyari sa kanya upang managot ang salarin.

Nagsumite ng request si Vilma sa Bantay Police District na ipahukay muli ang bangkay ng anak para isailalim ito sa autopsy. Agad namang inaksyunan ito ng PNP-Regional Crime Laboratory Office sa San Fernando, La Union.  Isinagawa ang exhumation sa bangkay ni Maila ni Police Chief Inspector at Medico-Legal Officer Nerino Daciego.

Sa isinagawang autopsy ay nakitang sinadyang nilunod si Maila sa mababaw na sapa. Nakita sa katawan nito ang ilang external injuries. Lumabas din na hindi na malinaw na ginalaw siya dahil sa genital findings na may deep healed laceration na 3, 5 at 8 o’clock position. Naniniwala si Vilma na matagal ng hinahalay ang kanyang anak at may kaugnayan ito sa pagpatay sa kanya. Subalit, wala silang testigo para patunayan ito.

Ilang araw ang lumipas nang dalawang testigo ang nagbigay ng kanilang pahayag ukol sa nangyari. Isang tao ang positibo nilang tinukoy na siyang may kagagawan sa nangyaring krimen—si Pablito Peria, 45 taong gulang, pinsang buo ni Rolando at tiyuhin ng biktima.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Gregorio Querubin, habang siya’y nakaupo sa harapan ng kanilang bahay kasama ang dalawang kaibigan nito ay nakita niyang dumaan si Pablito. Sinabi ni Pablito na papunta ito sa kanyang babuyan dahil nakawala ang mga alaga nito. Nagtaka si Gregorio dahil siya ang katiwala ni Pablito sa mga baboy nito.

Tumuloy si Pablito sa paglalakad papunta sa kanyang babuyan. Maya-maya ay naisipan ni Gregorio na sundan si Pablito. Nagulat na lang siya sa nakita niyang nangyayari sa tabi ng sapa malapit sa babuyan. Nginudngod ni Pablito si Maila sa mababaw na sapa.

Nagbigay din ng salaysay ang kasama ni Gregorio na si Ricky Peria. Nang sundan nila itong si Pablito sa kanyang babuyan ay nasaksihan din niya ang paglublob nito sa biktima sa sapa. Nakaramdam sila ng takot sa nakita kaya umalis sila agad sa lugar na iyon. Bumalik sila sa harapan ng bahay ni Gregorio at maya-maya ay dumaan ulit si Pablito.

Sa mga pahayag ng dalawang testigo ay naalala ni Vilma na minsan ay nagkuwento sa kanya si Maila. Gusto ng anak na mag-aral sa probinsiya ng ina sa La Union. Nang tanungin ni Vilma kung may kinakatakutan siya ay hindi agad nakasagot si Maila sa ina. Hindi nagtagal ay nagtapat si Maila sa ina na hinahawakan ni Pablito ang mga maseselang bahagi ng kanyang katawan tuwing naglilinis siya sa bahay nito.

Naglabas din ng pahayag si Bernarda na bago mawala si Maila ay ilang beses na pabalik-balik si Pablito sa kanilang bahay. Hinahanap nito si Rolando sa kanila. Nakita din Bernarda na kapag kausap ni Pablito si Maila ay halos pabulong lang ito. Hindi naman na iyon binigyan ng ibang kahulugan ni Bernarda dahil kamag-anak nila ito.

Sa mga lumabas na pahayag ay naghain ng kasong Rape with Homicide laban kay Pablito sa tanggapan ni Prosecutor Jessica Villoria ng Vigan City.

Nagbigay ng kontra-salaysay si Pablito kung saan mariin niyang itinanggi ang mga paratang sa kanya. Totoong pumunta siya sa kulungan ng baboy tulad ng nabanggit ng mga testigo. Subalit hindi siya nagtagal at limang minuto lang ang inilagi niya doon.

Wala din daw katotohanang pabalik-balik siya sa bahay nina Maila nang araw na iyon. Kasalukuyan siya nagbabantay daw ng kanyang tindahan ng mga oras na iyon. Depensa niya na hindi niya nakita si Maila nang buong araw na iyon.

Sinuportahan ng ilang testigo ang salaysay ni Pablito. Pinatotohanan nina Roberto Peria at Alfonso Peria, Jr. na pawang mga kamag-anak ni Pablito na wala itong kinalaman sa nangyari. Komento nila sa testigo ng biktima na bakit hindi nila agad nito sinabi ang nakita kung totoo nga ang kuwento nila. Ayon sa kanila na sa katunayan ay kasama pa sina Gregorio at Ricky sa paghahanap kay Maila.

Mula pa sa Ilocos Sur ay nagbiyahe si Vilma ng sampung oras para dumulog sa aming tanggapan sa HUSTISYA PARA SA LAHAT. Dala ang pag-asang makakamtan ang hustisya para kay Maila ay umasa siyang matutulungan namin siya.

Sa aming programa sa Radyo sa DWIZ tuwing 3:00-4:00 ng hapon,  itinampok namin noong nakaraang linggo ang kuwento ukol sa sinapit ni Maila. Nakausap namin si DOJ Secretary Raul Gonzalez via phone patch upang humingi ng tulong ukol sa kaso na ito. Mismong sa programa ay nangako si Sec. Gonzalez na makikipag-ugnayan siya sa tanggapan ni Prosecutor Villoria para lumabas agad ang dapat resolution sa kasong ito.

Kahapon lamang ay nakatanggap kami ng isang magandang balita mula kay Vilma. Natanggap na nila ang kopya ng resolution kung saan isasampa na ang kasong Rape with Homicide laban kay Pablito. Labis na nagpapasalamat si Vilma dahil natugunan ang kanyang panalangin na makamtan ang HUSTISYA PARA KAY MAILA.

Ang kaso na brutal na panggagahasa, paglunod at pagpatay sa dose anyos na si Maila ay lumabas na ang resolution. Ngayon sa korte naman ang bakbakan. Kailangan mapatunayan “beyond reasonable doubt” na ang akusado ay may kasalanan. Anu pa man ‘yun maaasahan ni Vilma na tutok pa rin kami sa kasong ito.

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

MAILA

PABLITO

VILMA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with