MARAMING problema ang idinulot ng ginawang pagrerebelde nina Sen. Antonio Trillanes noong nakaraang linggo. Nabubulabog ang gobyerno at hindi malaman ang gagawin. Ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police ay umiikot ang mga puwet kung paano ang gagawin para hindi na muling makatakas pa ang dating sundalo na dalawang beses nang naglulungga sa hotel kasama ang mga guwardiya at civilians.
Nagkaroon ng leksiyon ang gobyerno sa ginawa nina Trillanes na pagpuga makaraang dumalo sa hearing sa Makati City Regional Court. Kailangan daw ay sa secured na korte gawin ang hearing.
At ang kanilang plano ay sa National Bilibid Prisons na ikulong sina Trillanes para maging ligtas at wala nang banta nang pagtakas. Kung sa Bilibid sila ilalagak, doon na rin magkakaroon ng hearing. Walking distance lamang ang korte sa Bilibid. Kapag sa Bilibid ikinulong, magkakaroon na raw ng kapanatagan at hindi na mauulit ang nangyari sa Makati City Regional Trial Court kung saan nag-walkout sina Trillanes. Mula J.P. Rizal St. na kinaroroonan ng trial court ay naglakad sila sa Makati Avenue at nagtuloy sa Manila Peninsula. Hindi man lang sila napigilan ng Makati police. Pitong oras ang inilagi nila sa Manila Pen.
Ang Bilibid daw ang pinakamagandang lugar para kina Trillanes. Dito raw ay nakasisiguro na hindi na makagagawa ng gulo at wala nang masisirang ari-arian na hindi kagaya sa Manila Pen na milyon ang napinsala. Pero marami naman ang kontra sa balak sapagkat hindi pa naman sentensiyado sina Trillanes. Hindi sila dapat isama sa mga convicted criminals.
Wala na nga bang lugar maliban sa Bilibid? Sa palagay namin, hindi ang lugar na pagdadausan ng pagdinig sa kaso ang problema kundi ang uri ng seguridad na ipinagkakaloob sa mga rebeldeng sundalo. Kaysa problemahin ang venue, bakit hindi ang pagkakaloob nang maraming guwardiya ang gawin. Nangyari ang plano ng mga rebelde dahil alam nila na mahina ang seguridad sa kanila. Kayang-kaya nilang umeskapo dahil alam nilang “natutulog sa pansitan” ang nangangalaga sa kanila. Kahit sa Bilibid sila ilagay kung talagang tatakas ay makatatakas sila.