EDITORYAL – Palayain sa kahirapan at kaguluhan
NGAYON ay ika-144 na kaarawan ni Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, na nagpasiklab sa rebolusyon noong 1986. At para namang sinadya na sa bisperas ng paggunita sa kapanganakan ni Bonifacio ay nag-walkout sina Sen. Antonio Trillanes at Gen. Danny Lim habang nasa gitna ng court hearing at nagmartsa sa Makati Avenue patungong Manila Peninsula at doon nagkaroon ng press conference. Si Trillanes at Lim ay nililitis dahil sa nabigong tangkang kudeta. Hiniling ni Trillanes at Lim na magbitiw sa puwesto si President Arroyo sapagkat illegitimate ang pagkapangulo nito at batbat ng corruption. Kasama rin ni Trillanes at Lim si dating Vice President Teofisto Guingona at mga bishop. Nanawagan ang dalawa sa mga sundalo na mag-withdraw ng suporta sa Arroyo administration.
Planado ang ginawa nina Trillanes sapagkat may mga dala silang armas at maski nga ang mga guwardiya ay sumama na rin sa dalawang lider.
Pero kakaiba sa ipinakitang tapang ni Bonifacio at mga Katipunero, ang grupo ni Trillanes ay nagsimulang tumiklop nang hagisan ng teargas ang kanilang pinaglulunggaan dakong 5:30 ng hapon. Lalabas na raw sila para maiwasan ang pagdanak ng dugo. Maraming media people at sibilyan ang na-trap sa loob.
Iisa ang binunga ng paglulungga nina Trilla-nes sa Manila Peninsula, bagsak na naman ang ekonomiya at nakita na naman ito ng mundo. Katulad ng ginawa nina Trillanes noon sa Oakwood Mutiny, maraming foreigners ang natakot na naman ngayon. Ang tanong ay hanggang kailan ang kaguluhang ito na ang maliliit at mahihirap ang apektado.
Malamang na masundan pa ang mga kaguluhang ito sapagkat sinabi nina Trillanes at Lim na hindi pa sila sumusuko sa kanilang ipinaglalaban. Handa raw nilang harapin ang kanilang mga ginawa pero hindi pa tapos ang kanilang laban. Ibig sabihin, may mga kasunod pa.
Palayain naman ang bansa sa kahirapan at lalong higit sa kaguluhan. Hindi ang pag-aalsa ang solusyon sa dalawang problemang ito. Mas lalong mababaon sa kumunoy ng kadahupan ang bansa kung ganitong uri ng laban ang isusulong.
- Latest
- Trending