ANI Karl Marx, hindi tatagal ang anumang bansa na walang pulutong ng mga makabayan na hindi nabibili ng salapi. Sila’y mga taong maprinsipyo, hindi nasisilaw sa yaman, at matatag humarap sa tukso.
Sa librong “Making a Difference” ni Whitney Seymour, isinalaysay ni Colonel Arthur McArthur sa anak na (naging General) Douglas McArthur ang tungkol sa isang hindi nabibiling patriot. American Civil War noon, at inatasan ng Union ang isang heneral na bantayan ang occupied territory sa New Orleans. Kinukulit siya ng mga panginoong maylupa na payagan sila maghakot ng cotton sa piyer para ipadala sa England. Kontrolado ng heneral lahat ng kabayo’t kariton, at malinaw ang utos ng White House sa kanya na walang papahintulutang bumiyahe pa-Uropa.
Nagkataong bumibisita si Colonel McArthur sa heneral nang may dumating na dalawang babaing taga-Confe-derate South. Nang harapin sila ng mga opisyal, hindi nagpaliguy-ligoy ang mas matandang babae: “Mabilis maidadala naming mga may plantasyon ang cotton sa piyer, at mabilis ding aalis ang mga barko; walang makakapansin. Kaibigan naman ng Union ang England, kaya dapat walang patid ang kalakal ng dalawang bansa miski may giyera-sibil.” Matindi ang sales talk ng babae.
Bilang pagtanaw ng “utang na loob”, inabutan ng babae ang heneral ng gold certificates na $250,000 — malaking halaga noon o ngayon. Dagdag pa niya: “Kung nais mo pa, iiwanan ko siya sa iyo.” Sabay itinuro niya ang napakagandang dilag na kasama at isinulat ang address.
Agad inutos ng heneral kay McArthur na i-telegrama ang liham sa Washington: “Sa Presidente ng Estados Unidos: Inaalok ako ng $250,000 at isang diwata para wasakin ang aking katapatan. Isinusuko ko ang papeles sa pamahalaan. At nakikiusap ako na palitan agad ako rito. Malapit na nila maabot ang presyo ko.”
Ang mahina-hinang nilalang ay malamang na magpadala sa tukso. Pero ang tao na tumatanaw sa sariling bituin — sa matayog na prinsipyo — ay ginagabayan ng katatagan. Kuntento sila sa buhay at tunay na payapa.