Banggaan nina GMA at JDV
PALAGAY ko hindi na drama ang mga atake kay House Speaker Jose de Venecia. Palagay ko rin, hindi na magtatagal at mapapalayas na siya sa pagka-speaker. Malakas din naman ang kutob ko na ang mga nasa likod ng atake ay mga tao ng Palasyo. At lalong malakas ang kutob ko na hinihintay lamang ng mga taga-Palasyo na matapos ang mga dapat matapos para wala nang kawala sa bitag nila si JDV.
Ang tinutukoy kong hinihintay lamang na matapos ay ang pagbabasura ng impeachment complaint kay President GMA na inihain ni Atty. Ruel Pulido. Matapos itong matalakay sa plenary session ng mga utu-utong tauhan ni GMA, one year na libre na naman ang Presidente na hindi puwedeng hainan ng impeachment complaint.
Inaantabayanan din naman ang kalalabasan ng kaso ni JDV sa House ethics committee. Gusto ng mga kalaban ni JDV na hindi magtagumpay ang speaker sa kasong si Pulido rin ang nag-file sa ethics committee. Tuloy daw ang kaso sapagkat hindi naayos ni JDV na maibasura ito.
Noon ay nasabi kong nagkaroon na ng lamat ang samahan nina GMA at JDV nang isangkot ng anak ng speaker na si Joey ang Presidente at asawang si FG Mike Arroyo sa national broadband project. Mukhang hindi na rin uubra ang magic ni FVR upang masawata ang battle-royale na ito. Sige, matira ang matibay! Nasisiguro ko, taumbayan ang matutuwa sa nangyayaring ito.
- Latest
- Trending