Binalasa na ni Boysie ang MPD!

SINIMULAN na ni Manila Police District Director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales ang unang yugto ng pagbalasa sa kanyang mga opisyales na bumagsak sa kanyang panlasa, este, one month rating test, he-he-he! Sinibak niya ang mga opisyales na nagpabaya sa kanilang tungkulin.

Unang sinibak si Supt. Antonio Militar ng Abad Santos Police Station na pinalitan ni Supt. Jemar Modequillo mata­pos na bumagsak ang rating nito sa paglipol sa mga drug pushers at users sa tinaguriang “Airport” na pinag­lulunggaan ng sinasabing drug dealer na si Ricardo Saavedra alias “Ric Taga” ng Hermosa, Tondo.

Si Supt. Bernardo Diaz naman ay inalis sa puwesto dahil mapro-promote na siya sa ranggong Senior Supt. Siya ang magiging bagong hepe ng District Mobile Force (DMF)     mula sa Station 11na pamumunuan na ni Supt. Nelson Yabut, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Inilipat naman si Supt. Ricardo Layug ng PS-2 sa Balic-Balic Police Station (PS-4) na hinalinhan naman ni Supt. Jose Mario Espino, he-he-he! Mukhang masuwerte si Layug dahil nakakuha siya ng isang puwesto na maitu­turing na tropeo. Iba na talaga ang masuwerte at malakas ang kinakapitan. Get n’yo mga suki?

Si Supt. Teodorico Perez naman ay winalis sa kanyang puwesto bilang hepe ng Sta Mesa Police Station at pinalitan ni Supt. Jimmy Tiu. Marahil kaya sinibak si Perez ay dahil mahina ang kanilang operasyon sa paglipol sa mga addict na naglilipana sa kanyang area at upang makapagpahinga  naman siya sa pagharang sa mga raliyista na nagpupumilit na makatungtong sa tulay ng Mendiola, he-he-he! Nabawa-san na rin ang pagod ni Perez sa pakipagpatintero sa mga militante.

Sinibak naman si Supt. Federico Orallo ng Malate Police Station at pinalitan ni Supt. Ferdinand Quirante. Mina­las si Orallo matapos ang sunud-sunod na pambibiktima ng mga kotongerong money changer sa mga turista at balik­bayan. Makakaya kayang sawatain ni Quirante ang sindikato ng money changers na ang patong ay mga kapu­lisan ng  Manila City Hall Special Operation Group (SOG). Abangan natin ang asim ni Quirante sa hinaharap.

Saluduhan naman ang grupo nina Chief Inspector Rolando Tumalad ng MPD Mobile Patrol Unit at Chief Inspector Ramon Pranada ng Special Weapon and Tactics (SWAT) sa kanilang katapangan ng kanilang harapin ang apat na hijackers sa Road-10, Paradise Height, Smokey Mountain, Tondo.

Bulagta ang hijackers na sina Floro Galabin, Milagroso Rivas, Roy Villavicero at isa pang di nakikilalang suspek sa mga tauhan nina Tumalad at Pranado na sina PO2 Rodel Platon at PO2 Eligio Valencia Jr. Kumbinsido ako sa magan­­dang trabaho n’yo mga sir! Taas-noo ko kayong ipinag­mamalaki. Ito na marahil ang bunga ng mga pagsisikap ni Chief Supt. Rosales para maibangon ang imahe ng MPD.

Show comments