MARAMI ang nagulantang sa pagbibigay ni President GMA ng conditional pardon kay dating Air Force Master Sgt. Pablo Martinez. Si Martinez ay hinatulan ng double-life sentence dahil sa pagpatay kay dating senador Benigno Aquino. Binigyan ng pardon si Martinez dahil sa humanitarian reasons. Pitumpung taong gulang na si Martinez. Humingi naman agad ng kapatawaran si Martinez kay dating President Cory Aquino.
Masakit sa kalooban nina Sen. Noynoy Aquino, anak ni Ninoy ang pagbibigay ng pardon. Wala pa namang sinasabi si Cory sa ginawa ni GMA.
Nagulantang talaga ang taumbayan sa gina wa ni GMA. Marami kasi ang nakaaalam na magka-away sa pulitika si GMA at si Cory. Hindi ba’t pursigido si Cory sa pagre-resign ni GMA? Hindi maliwanag kung ano ang dahilan king bakit nag-away ang dalawa. Hula ko lang, ang Hacienda Luisita ay isa sa mga dahilan at maaari ring ang ari-arian ng mga Cojuangco.
Ang iginawad na pardon kay Martinez ay inihahambing sa pardon na iginawad kay dating Presidente Estrada. Qualified si Martinez dahil totoong nagpakahirap siya na makulong ng 24 years. Ang iginawad sa kanya ni GMA ay conditional ang pardon samantalang si Estrada ay full, complete, absolute at unconditional na sa loob ng anim na taon ay nasa Tanay resthouse. Nakalaya si Erap pero hanggang ngayon ay sinasabing hindi siya nakagawa ng kasalanan.
Bakit kaya siya hinatulan ng plunder ng Sandiganbayan?