EDITORYAL — Pinatataba lamang ang mga buwaya!

LOAN dito, loan doon. Utang dito, utang doon. Ganyan ang Pilipinas sa kasalukuyan. Sala-sala­bat ang utang. May utang sa Word Bank, IMF, at kung kani-kanino pa. Umuutang para ipagpagawa ng mga kalsada, tulay, eskuwelahan, MRT, LRT, communication projects at marami pang iba. Lahat ng mga iyan ay gagastusan ng milyong dolyar at siyempre pa, dollar din ang pambayad.

Madali lamang mag-grant ng loan ang mga katulad ng World Bank sa mga bansang umuunlad pa lamang at kasama riyan ang Pilipinas. Wala nang marami pang kuskos balungos basta ang mahalaga ay nangako ang umutang na magbabayad sa tak­dang panahon. Noon pa man ay umuutang na ang Pilipinas para ipagpagawa ng mga kalsada at iba pang infrastructure project.

Pero ngayon, tila mapuputol na ang pagpapau­tang sa Pilipinas dahil sa nadiskubre ng World Bank na anomalya sa nakakuha ng kontrata at sistema ng bidding na ginagawa ng mga local na kontraktor. Dahil sa nadiskubre, agad na kinansela ng World Bank ang $232-milyong pautang para sa Phase 2 ng pagpapagawa ng mga kalsada sa maraming lugar sa bansa. Nadiskubre ng World Bank na sa Phase 1 ng National Road Improvement and Management Program (NRIMP) na batbat ng anomalya at mga iregularidad. Bukod sa anomalya sa bidding, nakita rin ang over pricing sa kontrata. Grabeng katiwalian, na nagpaguho sa tiwala ng mga taga-World Bank. Kakahiya ang nangyari na ibibigay na lamang ng World Bank ang loan ay binawi pa dahil sa nakitang anomalya.

At tila wala namang gaanong reaksiyon dito ang gobyerno. Hindi na tinablan. Ang tanging sinabi lamang, kung hindi na itutuloy ng World Bank ang pagpapautang sa $232-milyon, maghahanap na lamang ng ibang resources ang bansa. Gagawa raw ng paraan para maituloy ang proyekto.

Mga buwaya lamang ang tumataba at nagtatama­sa sa mga loan na ginagawa ng pamahalaan. Kinu­kut­saba ng mga local na contractor ang mga dayu­hang kompanya na nanalo sa bidding para sila ang makinabang. Mga buwaya talaga!

Corruption ang numero unong problema ng bansa kaya laganap ang kahirapan. Kung magkaka­roon lamang ng seryosong kampanya ang gobyerno laban sa mga corrupt, walang dahilan para hindi makaahon sa kahirapan ang mamamayan. Paanong hindi maghihirap ang nakararaming mamamayan gayong ang perang para gamitin sa pagpapaunlad ay napupunta lamang sa bulsa ng mga gutom na buwaya. Kung mapuputol ang katakawan ng mga buwaya, maraming mamamayan ang masisiyahan sapagkat matatakasan na ang kahirapan. 

Show comments