Asasinasyon o terorismo?

MABUTI naman at walang epekto sa dolyar at stock  market ang pambobomba sa Batasan. Kabaliktaran pa nga ang nangyari at gumanda bahagya. Ayon sa mga analysts, mukhang tanggap ng mga negosyante na ito’y hindi isang atake ng terorista kundi isang asasinasyon na ang target ay si Rep. Wahab Akbar. Namatay si Akbar sa pag­ bobomba. Kung tanggap ng mga negosyante ang teoriya, may mga hindi naman tumatanggap nito.

Katulad ng mga opinyon na kung si Akbar ang target ng bomba, bakit pa sa Batasan ginawa ang pagpatay sa kanya, at hindi sa Basilan kung saan mas maraming lugar ang puwedeng gampanan ang asasinasyon? Alam na mas mahigpit ang seguridad sa Batasan kaysa sa Basilan. Pero lumalabas nga na hindi mahigpit ang seguridad ng Bata­san noong araw na iyon, kaya nakalusot ang motorsiklong umano’y ginamit bilang bomba. At masyado namang alam ang lahat ng galaw ng kongresista para sa Batasan pa magpasabog, katulad ng paglabas nito sa Batasan. Pero may mga nagsasabi rin na kung ito’y isang akto ng tero­rista, bakit hindi sa mataong lugar ng Batasan ginanap? Pati iyong lokasyon ng motorsiklo na naka­parada sa tabi ng isang dingding. Ang epekto nito ay 180 degrees na lang ang effective blast radius ng bomba, at hindi 360 degrees kung sa gitna ng parking lot na lang. So parang may sadyang direksyon ng sabog.

Naglabas na rin ng P5 milyong pabuya ang Mala­cañang sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga nambomba. Sisiw na halaga kumpara sa P160 milyon na pinamudmod lamang sa mga gobernador at kongresista. Ganyan ang mga prayoridad ng gobyernong ito! Mas mahalagang mabigyan ang mga kaalyado sa pulitika kaysa sa mga tunay na nangangailangan, tulad ng mga biktima ng G2, Batasan, pati na rin ang mga katulad ni Mariannet Amper! Limang libong piso naman ang ibinigay ng bawat kongresista sa mga nabiktima ng pagbobomba sa Bata-san. Sige na nga. Baka kung ano pa ang masabi ko!

Show comments