KUNG KAYO BA AY NASA ISANG UMPUKAN, nagkwekwentuhan at may biglang umuhi sa inyong harapan, di kalayuan, anong ga gawin mo? Magagalit ka ba at sisitahin ito? Pagsasabihan o bubulyawan?
Isang mainitang pagtatalo at palitan ng mga maanghang na salita? Maari ba itong mahantong sa isang madugong tagpo?
Alamin natin ang mga susunod na pangyayari base sa reklamong inilapit sa amin ni Victoria Guira ng Domingo Compound, Rincon, Valenzuela City ukol sa pagkakapatay sa kanyang anak na si Dennis, 24 taong gulang.
Pangatlo sa anim (6) na magkakapatid si Dennis. Isang mabait na anak naman daw itong si Dennis, ayon sa kanyang ina. Maserbisyo sa magulang, katunayan nga ay parating ipinagluluto ni Dennis ang mga ito tuwing wala itong pasok sa trabaho. Kahit nang nagsimula na ito ng sariling pamilya ay hindi pa rin niya nakaligtaang dumalaw sa mga magulang lalu na para humingi ng payo sa panahon na nagkakaroon sila ng tampuhan ng asawa.
October 14, 2007, isang linggo nang nakatira si Dennis sa bahay ng mga magulang. Pansamantala ay doon muna siya umuwi dahil may hindi sila pagkakaintindihan ng asawa. Ngunit sa araw na iyon ay balak na din niyang balikan ang kanyang mag-ina dahil nagkaayos na sila.
Bandang 10:00 ng gabi, dumating si Dennis mula sa pinapasukang trabaho sa AO Knitting Factory. Nagpaalam siya kay Victoria na lalabas sandali para magpahangin. Nakasanayan na ni Victoria ang ugaling iyon ng anak kung kaya’t sinabihan na lang niya itong mag-ingat sa labas.
Bandang 1:00 ng madaling araw, nagising si Victoria nang narinig niyang may kumakatok sa kanilang pinto kasabay ng pagtawag sa kanyang pangalan. Bago niya binuksan ang pinto ay sinilip niya muna sa kuwarto kung dumating na si Dennis. Hindi maipaliwanag na kaba ang naramdaman ni Victoria nang makitang wala pa ang anak.
Napansin ni Victoria na palakas nang palakas ang katok sa kanilang pinto na tila nagmamadali ang tao sa labas. Pagkabukas ng pinto ay nakita niya ang isang kaibigan ni Dennis. Lalong lumakas ang kaba niya nang narinig niya ang mga katagang, “Emergency po!”
Sinundan ni Victoria ang kaibigan ng anak sa labas. Napansin niyang may mga nag-uumpukang tao sa labas. Sa dami ng tao ay hindi na niya nakilala ang lumapit sa kanya at nagsabing, “Wala na. Patay na si Dennis.” Halos mawalan na ng ulirat si Victoria ng oras na iyon. Mabuti na lamang ay may mga nakaantabay na sa lugar na iyon na baranggay patrol na siyang naghatid na din sa kanya sa hospital.
“Noon ko lamang napagtanto na may masamang hangin na dala ang gabing iyon. Hindi ako nakatulog nang maayos. Parang kinukutuban ako na hindi ko maipaliwanag kung ano talaga. Bago ako matulog ay tinawag ko pa si Dennis na pumasok na sa bahay at ngiti lamang ang sagot niya sa akin. Hindi ko akalaing iyon na ang huling ngiting masisilayan ko sa kanya,” saad ni Victoria.
Sa biyahe papuntang hospital ay umaasa pa si Victoria na mali ang narinig niyang balita na patay na ang anak. Ngunit pagdating sa hospital ay nadatnan niyang may kumot hanggang ulo na si Dennis. Dead on arrival ang anak dahil sa saksak nito sa kanyang leeg. Hindi nagtagal ay dumating na din ang ibang kaanak ni Dennis sa hospital. Labis na nagtaka ang mga ito kung ano ang nangyari kay Dennis.
“Siya ang pinaka-kuwela sa aming magkakapatid. Palabiro siya ngunit wala kaming kilalang nakakaaway dahil umiiwas ito sa gulo. Hindi pa siya nasali sa kahit na anong pagtatalo sa mga grupo-grupo sa lugar namin,” paliwanag ng nakakatandang kapatid na si Evangeline.
Agad na nagtungo din sina Victoria sa Valenzuela Police District upang ipablotter ang nangyari. Sa presinto ay nadatnan nila ang dalawang (2) kaibigan ni Dennis na sina Rhussel Bimeda at Jherwin Abalos . Napag-alaman nila na ito ang mga kasama ni Dennis ng gabing mangyari ang pananaksak.
Ayon sa kuwento nina Rhussel at Jherwin ay magkakasama silang magkakaibigan nang oras na iyon. Nakatambay lamang sila sa kanto ng kanilang compound nang biglang dumaan si Jimar Anunsiado na tila na amoy alak. Hindi nila inaasahan nang bigla na lamang umihi si Jimar malapit sa kinatatayuan nila. Natalsikan si Dennis ng ihi ni Jimar kung kaya’t sinuway niya ito.
Dagdag pa ng dalawa na narinig niyang sinabihan ni Dennis si Jimar na, “Kapag dumadaan kami, di naman naming kayo binabastos.” Agad naman pagalit na sumagot si Jimar na, “Ano gusto mo isang bagsak lang, one on one tayong dalawa.”Upang maiwasang lumaki ang gulo ay inawat ni Jherwin si Dennis at inilayo naman ni Rhussel si Jimar.
Naglakad nang palayo si Jimar at inihatid ito ni Rhussel sa bungad ng kanilang compound. Inakala nila na umuwi na sa bahay itong si Jimar ngunit maya-maya lamang ay sumugod ito sa kinaroroonan ni Dennis. Walang nagawa si Dennis kung hindi tumakbo papunta sa eskinita na tinatawag nilang looban. Hindi nagtagal ay may narinig na lang si Jherwin na nagsisigawan sa looban. Kasunod nito ay lumabas nang patakbo si Jimar at isinisigaw na “Puntahan niyo na doon, patay na, duguan na, dalhin niyo sa hospital!”
Agad namang pinuntahan nina Jherwin at Rhussel ang looban kung saan nadatnan nila si Dennis na duguan na nakahandusay sa semento. Binuhat nila ang kaibigan at dinala nila ito sa hospital. Agad na din silang nagtungo sa presinto upang ipahuli si Jimar.Rumesponde ang mga pulis sa Valenzuela ngunit hindi na nila nahanap si Jimar.
Nagsampa ng kasong Murder sina Victoria laban kay Jimar sa Valenzuela Prosecutor’s Office. Malaki ang naging pasasalamat ng kaanak ni Dennis dahil tumayong testigo sina Rhussel at Jherwin sa nangyari. Samantala, nais pa ring manawagan si Victoria sa mga maaaring tumestigo kung ano ang totoong nangyari sa looban. May mga usap-usapan kasi na naririnig nila na hindi lamang daw iisa ang sumugod kay Dennis sa looban. Ipinagtataka din ni Evengeline ang mga nakita niyang pasa sa katawan ng kanyang kapatid.
Sa ganang akin lamang ay may posibilidad na may kasama si Jimar sa looban dahil kung ang isang tao ay may hawak na patalim ay bakit kailangan pa niya itong suntukin o bugbugin ang biktima nito. Sa udyok ng galit ay mas normal na saksakin na lamang agad ang kagalit para mawalan na ito ng pag-asang makalaban pa.
Sa kabila ng mga nangyari ay nananatiling matatag ang pamilya Guira upang makamtan ang hustisya para sa pinatay na anak. Ito’y maaring mangyari lamang sa inyong tulong! Wag kayong matakot na lumabas para makapagbigay ng inyong pahayag. Handang magbigay ng kaukulang proteksyon ang Department of Justice sa pamumuno si Sec. Raul M. Gonzalez.
Bukas ang aming tanggapan sa HUSTISYA PARA SA LAHAT sa mga may impormasyon o nalalaman sa nangyari kay Dennis Guira. Maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email address: tocal13@yahoo.com