Mga laruang made in China, hindi pa maayos
MGA laruan na naman ng bata ang nasa balita itong mga nakaraang araw. Mga laruang gawa na naman sa China. At katulad ng mga laruan na binawi ng mga distributor sa United States noong mga nakaraang buwan, may bagong laruan na naman na peligroso sa mga bata. Ang laruan na ito ay may mga butil na kapag nalulon ng bata, may epekto na kaparis o similar sa mga ipinagbabawal na gamot o droga! May mga bata na nga sa US at Australia na nagkasakit matapos malulon ang mga butil o abaloryo. At hindi lang mga simpleng sakit ng tiyan o lagnat, kundi na-comatose ang mga bata! Sa Australia ay hinimatay ang mga bata. Wala na bang katapusan ang pagbabawi ng mga laruan na gawa sa China? Hindi ba nahihiya na ang China sa mga nilalabas nilang mga produkto, maging pagkain o laruan, na peligroso? Ganyan na ba kababa ang kalidad ng mga produktong China, bagama’t mura?
Minsan talaga may kapalit ang murang bagay. Kaya nga sa China pinagagawa na ang mga gamit katulad ng laruan, damit, kagamitan, pagkain at iba pa kasi napakamura ng singil sa labor at materyales. Ang China ang pinakamalaking nagluluwas ng laruan sa mundo, halos 60 percent ng laruan ng mundo ay gawa sa China. Maraming tagagawa ng laruan ay sa China na lang pinagagawa ang mga produkto nila gawa ng murang labor. Pero bumabalik na sa mga tagagawa na ito ang kapalit. Mga problemang dulot ng mababang kontrol sa ka lidad ng mga produkto nila. Bilyong dolyar ang nawawala sa mga tagagawa nito kapag kailangan nilang bawiin ang mga produkto nila dahil sa peligrong dulot.
Panahon na para baguhin ang mga patakaran ng China ukol sa kalidad ng mga produkto nila. Hindi na bale kung nasisira lang at walang nasasaktan. Ang mahirap, may mga nasasaktan na, at mga bata at sanggol pa ang nadadamay. Napansin ko nga, ngayong 2007, mga bata sa mundo ang nalalagay sa sakuna at peligro. May mga batang namamatay dahil sa barilang nangyayari sa eskuwelahan, may mga batang nagkakasakit dahil sa mga laruang peligroso at pagkaing hindi malinis, may batang nagpapakamatay dahil sa labis na kahirapan. Nakalulungkot at nakapangangamba.
Pangunahan ng higanteng China ang pagpapatupad para sa pagkakaroon ng ligtas na kagamitan, kasama na ang mga laruan.
- Latest
- Trending