EDITORYAL – Pagbuwag sa barangay at Sangguniang Kabataan
TAMA lamang ang panukala na buwagin na ang barangay at Sangguniang Kabataan dahil wala namang pakinabang sa mga ito. Kung matutuloy ang pagbuwag, ang nakaraang October 29, 2007 barangay at SK elections ang pinakahuli. Wala nang susunod pa rito. Mismong ang secretary ng Department of Interior ang Local Government (DILG) ang nagsabi na ipinasa na niya ang desisyon sa Senado at House of Representatives. Ayon kay DILG Sec. Ronaldo Puno, hindi na kapaki-pakinabang ang barangay at SK. Ayon naman sa Senado, pinag-aaralan na nila ang pagbuwag sa Senado at ang panukalang i-appoint na lamang ng mayor ang magiging lider ng barangay.
Maganda ang panukalang pagbuwag at maganda rin naman ang naisip na i-appoint na lamang ng mayor ang mamumuno sa barangay. Kung i-aappoint ang lider sa barangay, magkakaroon ng pagbabago sapagkat mayroon nang mag-uutos sa barangay chairman at ganun din sa mamumuno sa Sangguniang Kabataan. Ang lahat ng kanyang kilos ay mamo-monitor ng mayor. Maisasagawa ng mayor ang kanyang mga nais mangyari sa barangay sa pamamagitan ng chairman. Mag-uutos na lamang nang mag-uutos ang mayor sa ini-appoint niyang chairman.
Tama na walang pakinabang sa karamihan ng mga namumuno sa barangay at Sangguniang Kabataan. Maraming barangay sa buong kapuluan ang walang nakikitang pag-unlad. Kung gaano kahirap noon, mas mahirap ngayon. Sa maniwala at sa hindi, karamihan sa mga barangay ay nagiging pugad na ng mga drug syndicate. Para mailigaw ng sindikato ang pulisya, sa mga barangay sila nangungupahan ng bahay para mapaglutuan ng kanilang shabu. At nakapagtataka naman kung bakit hindi namamalayan ng barangay chairman ang pagpasok ng mga drug syndicate sa kanyang nasasakupan. Hindi ba’t bago malaman ng police ang nangyayari sa barangay, dapat ay ang chairman nito at mga kapwa opisyales ang nakaaalam? Pero kabaligtaran ang nangyayari sapagkat walang alam ang karamihan sa mga barangay chairman na mayroon na palang namumugad na “salot” sa kanilang lugar.
Ang Sangguniang Kabataan ay mas lalong palpak at dapat na ngang buwagin. Karamihan sa mga SK officials ay hindi alam ang gagawin para makatulong sa komunidad. Ang matindi, mas maagang natutong mangurakot ang ilang SK officials.
Tama lang na buwagin ang barangay at Sangguniang Kabataan.
- Latest
- Trending