EDITORYAL - Nalilimutan na ang suhulan?

MALILIBING na sa limot ang “suhulan” sa Mala­cañang at ang inaasam na mga sagot na     kung saan nanggaling at para saan ang “suhol” ay hindi na masasagot. Isa na namang pangyayari na nagda­dagdag sa pagdududa sa administras­yong Arroyo at maaakusahang maraming itinatago.

Nang sumabog ang balita sa Glorietta 2 noong nakaraang linggo, unti-unti nang natakpan ang “suhu­lan” sa Malacañang. Lalo pang natakpan ang “suh­ulan” nang umugong ang balita na lalaya na sa lalong madaling panahon si dating President  Joseph Estra­da. Noong Biyernes ng hapon ay tuluyan na ngang lumaya si Erap. Masaya siyang sinalubong ng mga kababayan sa San Juan City.

Ano pang mabigat na pangyayari ang darating na magpapalimot pa sa suhulan sa Malacañang na nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P500,000?

Unang pumiyok si Pampanga Gov. Ed Panlilio na nakatanggap siya ng P500,000 mula sa isang babae matapos makipagpulong kay President Arroyo tatlong linggo na ang nakararaan. Pinalipas muna ni Panlilio ang isang linggo bago binulgar ang pagtanggap ng pera. Sa isang press conference ay ipinakita pa ni Panlilio ang bundle ng tig-P1,000  na nagkakahalaga ng P100,000. Nakalagay iyon sa isang bag. Kasunod na umamin ay ang governor ng Bulacan. Sabi ni Panlilio, isasauli niya ang pera kung iyon ay suhol. Gusto raw niyang malaman kung saan galing at para saan ang pera. Sino naman kaya ang aamin na suhol ang perang nasa bag. “Gift” iyon, sasabihin marahil. Tanong naman ngayon ay kung nasaan na si Panlilio at tila biglang nanahimik na sa “suhulan”.

Kakatwa rin namang lalo nang dalawa pang kongresista ang lumantad at sinabing sila rin daw ay tumanggap ng pera. Bakit pinalipas pa nila ang tatlong linggo at hindi agad lumantad?

Asahan pang may lalantad sa mga nakatang-gap ng pera pero hanggang doon na lang. Hindi na mabubuklat kung saan nanggaling ang pera  at kung para saan ito. Unti-unting maglalaho hanggang sa ganap nang malibing sa limot. Matatakpan nang matatakpan nang malalaking balita ang “suhulan”. Maiiwan na naman na nakanganga ang taumbayan at maghahanap ng kasagutan.

Show comments