Lumalalang problema sa HIV/AIDS
NAKAAALARMA ang ulat ng Department of Health na umaabot na sa 2,719 Pilipino ang mayroong Human Immuno Virus (HIV), kung saan umano, isa sa bawat tatlong apektado ay OFWs at karamihan ay mga marino at domestic helper.
Base sa DOH report, 72 porsiyento ng mga apektado ay walang nakikitang sintomas, habang ang 28 porsyento naman ay itinuturing na full-blown AIDS cases na.
Ang naturang ulat ay tungkol sa Millennium Development Goals (MDGs) na pinagtibay ng United Nations kung saan ilan sa malalaking problema — tulad ng HIV — sa iba’t ibang bansa ay dapat masolusyunan sa takdang panahon. Ang iba’t ibang pamahalaan, kabilang ang Pilipinas, ay sumang-ayon sa MDGs na ito at naglatag ng mga batas, patakaran at hakbangin upang ang mga ito ay matupad.
Ang paglala ng problema sa naturang sakit ay noon pa pinansin at inihihingi ng pambansang atensyon ng grupong HIV/AIDS Prevention Project ng Philippine Rural Reconstruction Movement (HAPP-PRRM) na isa sa mga pribadong grupo na pangunahing kumikilos sa usaping ito.
Sabi ng HAPP-PRRM, isa sa malaking ugat ng problemang ito ay ang hindi istriktong pagpapatupad ng pamahalaan ng batas na Philippines’ HIV/AIDS Prevention and Control Act of 1998 na nag-aatas sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong bansa na magbuo ng HIV/AIDS council, at sa mga pribadong negosyo na maglunsad ng sariling mga aktibidad tungkol dito. Iilan lang daw na LGUs at negosyo ang sumusunod.
Sa pamamagitan ng kolum na ito ay muli akong nananawagan sa mga kinauukulan na magtulung-tulong tayo sa paglaban sa HIV/AIDS. Ito ay isang malaking problema hindi lang sa kasalukuyang panahon, kundi mas higit, sa mga susunod na henerasyon.
Para sa mga kababayan nating naghahanap ng serbisyo publiko, maaari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin ninyo at hindi po matutugunan ang mga solicitation letter.
- Latest
- Trending