Bagyo?

ANG lagay ngayon ng panahon — ay panahon ng lagay!

Wala na raw idadagdag si dating NEDA director general Romulo Neri sa kontrobersyal na ZTE/NBN deal. At hindi na rin siya sigurado kung makadadalo pa siya sa pagdinig muli ng Senado sa Oktubre 25. Kailangan na muna niyang magpaalam sa Presidente. Pati pagpunta niya ng banyo tila kailangang ipaalam pa rin niya sa Malacañang dahil hanggang doon ay sinusundan siya ng nakadestino sa kanyang mga bodyguard. Ang mga bodyguard ay bigay ni Executive Secretary Eduardo Ermita. Baka nga naman may reporter sa loob ng CR at biglang kumanta si Neri ano? Talagang mas marami pang alam si Neri tungkol sa proyekto, at kung gaano kasangkot ang Presidente sa mga gulo nito.

Hindi naman makapagdesisyon sa ngayon si House Speaker Jose De Venecia kung ano ang gagawin niya sa isinampang impeachment case ni Atty. Ruel Pulido, dahil may mga nabunyag ngang mga suhulan, kaya, minabuti na lang niyang pigilin ang sarili niya (kuno), at ipinasa na lang kay Deputy Speaker Raul Del Mar. Sa­ mantala, binabatikos nang husto si Atty. Ruel Pulido sa ginawa niyang hilaw na impeachment, na tila nag­sisilbing baku­na lang para sa Presidente para sa mas mabigat na impeachment complaint  na maaring makapagpatalsik sa kanya. Pati ang dating kliyente niyang si Senator Trillanes ay dismayado sa ginawa ni Pulido. Matinik daw na abogado ito at hindi makagagawa ng kasong ganoon kahina. Halata raw na sadyang pakawala lang siya ng Malacañang.

At ngayon, si DILG Sec. Ronaldo Puno ang sinasabing ulo ng lahat ng kilos ukol sa “impeach-me”. Tila may bagyong namumuo sa partido ng Kampi, kung saan ang habagat ng paksyon ni Puno ay sasalubungin ang amihan ng paksyon ni Rep. Luis Villafuerte na siyang presidente ng Kampi. At mukhang tatamaan si Jose De Venecia Jr. sa banggaang ito. Gawa nga ba ito ng pagbubunyag ng anak ni JDV sa mga anomalya at suhulan sa ZTE/NBN, o dahil hindi nagwagi ang pagpapalit kay JDV bilang speaker of the House? Malamang. Ngunit ito ay isa sa huling baraha lamang sa pagitan nina Speaker at GMA sa matagal na nilang pagbabalanse sa isa’t isa dahil sa kapangyarihang kapwa nila taglay.  Malaki rin ang utang ng loob ni GMA sa pagsuporta ni JDV sa kanya sa dalawang subok ng pagpa-impeach kay GMA sa Kamara. Nabara ito ni JDV bilang Speaker. Ngayon, tila napapatunayang walang magagawa si JDV kung gugustuhin ni President Arroyo. Aba eh, kay GMA naman nanggagaling ang pondo ano?  Kaya hayun.  Inendorso na ang mahinang impeachment complaint at hindi na hinintay ang pagpalit nito sa mas malakas na bersyon. Minadali.

Ang oposisyon naman ay tila nanonood lang sa away-pamilya ng mga kaalyado ni GMA. Kung sino pa ang mga dapat nagsusulong ng kasong ito, sila pa ngayon ang bumabara sa reklamo. Parang kabalintunaan. Pero ang totoo ay binabara nila ito dahil nga ang awtor ng reklamo ay Malacañang daw mismo. Kapani-paniwala ang hinala. Tumitila na ba ang bagyo o paparating pa lang ang pinaka-mata nito?  Ang nasisiguro nang marami ay ganito: Sa mga panahong ganito ay napapaaga ang Pasko sa mga mambabatas na umaangat ang presyo para sa kanilang mga boto. Ang saya — nila. Lalong umu­lan, lalong bagyuhin ang Palasyo, lalong luma­laki ang kapangyarihan ng mga mambabatas —laluna sa mababang kapulungan. Kaya nga — ang lagay ng panahon…ay panahon ng lagay.   

Show comments