GRABENG pang-iinsulto sa mga Pilipinong doctor ang dialogue sa “Desperate Housewives” kaya hindi dapat maikli ang gawing pagpapaumanhin ng ABC dahil sa kanilang mapanlait na TV program. Ang Hollywood actress na si Teri Hatcher ang nagdeliber ng dialogue.
Ganito ang takbo ng usapan nang sabihan si Teri ng kanyang doktor na maaaring buntis daw ito. Sagot ni Teri: “Can I just check those diplomas because I just want to make sure that they are not from some med school in the Philippines.”
Grabeng pambabastos ito sa mga Pinoy doctor at maging nurses. Hindi ba alam ng taga-ABC na napakaraming Pinoy doctors at nurses ang nagtatrabaho sa US at iba pang mga bansa. Hindi kaya nila alam na ang mga Pinoy ang pinipili at preference ng mga employers sa abroad para maglingkod sa kanilang mga ospital at healthcare facilities. Matagal nang subok ang TLC (Tender Loving Care) ng mga Pinoy at bukod doon, matalino at masipag pa.
Hindi sapat ang maikling apology ng ABC dahil sa kanilang ginawa. Kinakailangang sinsero ang paghingi ng kapatawaran sa sambayanang Pilipino lalo sa mga doktor.
Kung maaari, gumawa ang producers ng “Desperate Housewives” ng isang episode na magtatanghal ng kagalingan ng mga Pilipinong doctor at nurses. Ito ang kanilang gawin kung gusto ng mga taga-ABC na mapawi ang sakit ng kalooban ng mga Pilipino dahil sa mapanlait nilang TV program.
Ang panlalait sa “Desperate Housewives” ay leksiyon sa mga opisyal ng gobyerno at pinuno iba’t ibang medical schools. Gumawa sila ng mga hakbang upang maging maganda ang pagtingin ng mga dayuhan sa mga Pilipinong nasa medical profession. Hindi na sana maulit ang panlalait gaya ng dialogue sa “Desperate Housewives.”