NAIPALABAS na namin sa BITAG nitong nakaraang Sabado ang isang panibagong kaso ng Internet Blackmail.
Ang segment na pinamagatan naming “Calumpit Sex Scandal” ay kakaiba mula sa mga nauna ng natrabaho ng BITAG na kaso ng Internet Blackmail.
Mapapansin na hindi muna naming ipinakita at inilantad ang mukha ng suspek na Pil-Am boyfriend mismo ng biktima at kasalukuyan itong nasa Estados Unidos.
Ito ay sa dahilang kasalukuyan pa siyang tinatrabaho ng BITAG kasama ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD).
Kasama din ang NBI-International Police (NBI-Interpol), inihahanda na namin ang patibong na maghuhulog sa suspek sa aming BITAG.
Inaasahan din ang pagpasok at pakikipagtulungan ng mga alagad ng batas ng Estados Unidos para sa mabilis na paghuli sa suspek na nasa labas pa ng bansa.
Sa kasong ito, masusubukan kung hanggang saan ang batas ng Pilipinas laban sa cyber crimes katulad nitong Internet Blackmail.
Kung nga ba’y may pangil at kamandag ang ating batas na kastiguhin ang mga suspek na nasa likod ng ganitong kaso.
O mananatiling nagdurusa ng tahimik ang maraming kababaihang naging biktima ng Internet Blackmail dahil “WALA” pang batas na puprotekta sa kanila.
Paulit-ulit na magbibigay babala ang BITAG sa mga kababaihan natin particular na sa mga estudyante sa kolehiyo at ng mga unibersidad.
Mula sa makabagong teknolohiya ng cellphone, naidodokumento ang mga pribadong gawain. Pagkatapos ay nailalagay ang mga ito, mapa-still photos man o video sa computer.
At kapag naglaon, nai-po-post na ito sa internet kung saan isang araw magugulat na lamang ang biktima na napanood o nakita na ito ng kanyang mga kamag-anak, kaklase, kakilala at kapit-bahay.
Sa isang iglap, ang pangyayaring naglagay sa biktima at sa kanyang pamilya sa matinding kahihiyan.
Iwasang mapabilang kina Coleen, Lanie, Jhen at ngayon ay si Tintin... mga pobreng naging biktima ng mapanirang Internet Blackmail!