TAOS na pagsisisi ang ipinahayag ni Shinzo Abe, prime minister ng Japan, para sa mga kabuktutan at kalupitan na ipinalasap ng kanilang military sa marami, lalo na sa mga Asyano noong ikalawang digmaang pandaigdig. Ipinahayag niya ito kasabay ang anibersaryo ng pagsuko ng Japan sa digmaang iyon. Kinatawan niya ang mamamayan ng Japan sa pag-alay ng pagsisisi at pakikiramay sa mga nawalan, at nangako na ang layunin na ng Japan ay ipasulong ang pagkakaibigan at kapayapaan sa rehiyon. Hindi na rin ito dumalo sa kontrobersyal na templong Yasukuni, kung saan nakalibing ang mga “war criminals” ng digmaan. Ang dating prime minister na si Junichiro Koizumi ang taun-taong dumalo sa templong ito, na ikinagalit ng husto ng China at Korea. Ito naman ay mga de-kahon na pahayag ng lahat ng pinuno ng Japan sa tuwing nababanggit o naaalala ang huling digmaan. Pero kulang pa rin, ayon sa marami, ang mga pahayag na ito.
Hanggang sa kasalukuyan, marami pang Japanese ang naniniwala na sila ang inapi noong digmaan, at hindi sila ang nang-api. May mga aklat pa nga sa mga paaralan na ito pa rin ang itinuturo sa mga mag-aaral. Kaya ang henerasyon ngayon ay ganun na nga ang paniniwala. Ultimo yung pelikula na Pearl Harbor ay hindi tinatanggap ng marami. May mga nagsasabi na kailangang palitan na ang mga lumang aklat, at ituro na ang katotohanan -– na ang Japan ay imperyalista noong mga pana hong iyon, at sila ang nanglusob at nagpasimuno ng digmaan sa bahagi ng mundong ito noong 1941-1945. Hindi madali para sa isang bansa tulad ng Japan na umamin sa mga nakaraang pagkakamali nila.
At ang pinaka-mainit na isyu pag dating sa ganitong usapan ay ang mga “comfort women” o mga kababaihan na ginawang mga sekswal na alipin ng mga sundalong Japanese sa mga panahong iyon. Hanggang ngayon, wala pang pinuno ng Japan ang umaamin nito, kaya wala pa ring paghihingi ng paumanhin ang nagagawa. Patuloy pa ring pinaglalaban ng mga nasabing babae mula China, Korea at Pilipinas, ang pag-aamin at paghihingi ng patawad mula sa Japan, pati na ang paghingi ng danyos mula sa gobyerno. Tila may mga sugat pang hindi pa gumagaling.
Bagama’t ang Japan ay isa na sa pinakamayamang bansa sa mundo, mapayapa na at aktibo ngayon sa pagpondo ng maraming proyekto sa buong daigdig, mukhang minumulto pa rin siya ng kanyang masamang nakaraan. Maganda siguro kung haharapin na lang niya ang lahat ng mga multong ito, aminin ang mga pagkakamali, humingi ng taos-pusong patawad, at kung maaari, tulungan na lang ng sapat ang mga nabubuhay pang mga naapektuhan ng imperyalismong pagnanasa nito noon. Maganda na rin naman ang pakikitungo natin sa Japan. Lubos-lubusin na nila.