Nung Miyerkules, na-late tayo patungong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Law dahil tumaas na naman ang tubig sa España. Maski ang premyadong American Film Director na si Quentin Tarantino ay lumusong sa baha at sumakay na lang sa pedicab (kahit 6’1’’ ang tangkad) patungong meeting nito sa Malacañang. Si Gng. Arroyo man ay na-stranded, bagay na kinatuwa ng marami – pati pala ang Presidente, hindi exempt sa baha.
Literal na hulog ng langit ang mga ulan. Dahil dito’y naagapan na ang napipintong pag-rasyon ng tubig. Marami ngang paghirap ang dinaranas ng publiko dahil sa baha – lalong lalo na ang mga batang mag-aaral. Subalit kaya naman itong mapagaan ng mas pinagandang pamamalakad ng sistema sa pag-anunsyo ng suspension ng klase; mas maagang pagtugon sa mga kakulangan ng mga flood control infrastructure; at paghigpit ng disiplina laban sa pagtatapon ng nakababarang basura. Wika nga ni Cardinal Rosales: “Ano mas gusto niyo, baha o water crisis?”.
Mabuti na nga at naranasan din ni Gng. Arroyo ang kalbaryo ng ordinaryong Pilipino. Siguro ito na ang magsisilbing hudyat upang gawing inisyatibo ng Malacañang mismo ang problema ng baha sa Metro Manila. Malinaw na hindi kaya ng MMDA at DPWH ang trabaho. Sabi nga ni Sen. Bong Revilla Jr., kulang ang paghahanda ng mga ahensyang ito laban sa baha. Magtutuloy pa ang mga ulan – may bagyo pa nga ayon sa PAGASA. Ano ang plano niyo Gng. Arroyo upang maibsan ang paghihirap ng inyong mga kababayan?
Salamat at nagkaroon ng maagang desisyon kahapon tungkol sa pag-suspinde ng klase. Hindi kasi CHED o DepEd ang nagdesisyon kung hindi ang National Disaster Coordinating Council sa pamumuno ni Defense Sec. Gilbert Teodoro. Malaking ginhawa sa bayan ang impresyon na mayroong mabilis na makapagdedesisyon sa ganitong problema. At kailangan ang ganitong uri ng mapuwersang liderato upang remedyohan ang taunang problemang ito. Kung hindi aakuin ni Gng. Arroyo, kayang kaya ito ni Sec. Teodoro.