NAGKATAWANAN kami ni President Erap at ng aming panganay na anak na si Senate president pro tempore Jinggoy Estrada sa plunder case ng isang nagpakilalang prinsipe na inaangkin ang buong lupalop ng Pilipinas.
Ang self-proclaimed na Prince Julian Tallano ay nagsasabing apo siya nina Rajah Soliman at Lapu-Lapu, at pinamanahan daw siya ng pre-Hispanic land title na may original Certificate of Title (OCT) No. 01-4 na sumasaklaw sa buong kapuluan. Nais ni Atty. Bono Adaza na aksyunan ng Ombudsman ang pag-claim ni Tallano partikular sa loteng pinagtayuan ni President Estrada ng “Erap City” mass housing project sa Rizal.
Ang Erap City ay nagbigay ng tirahan sa libu-libong maralitang pamilya, centerpiece ng Estrada housing program at kinukunsidera ng mga eksperto bilang kauna-unahang “well-planned socialized housing project for the poor” sa bansa.
Pare-pareho kaming naniniwala na ang reklamo ni Tallano ay walang saysay, hindi uusad at ni hindi ito papansinin ng Ombudsman. Ito ay malinaw na nuisance case.
Hay naku, itong mga plunder case na ito ay talagang nagpapakita ng kung anu-anong mga hindi kapani-paniwalang kwento. Nung una, isang Chavit ang nagbintang at ngayon naman ay isa raw prinsipe. Ano naman kaya ang susunod? Marami tuloy ang nag-iisip na ang Tallano case na ito ay pakana na naman ng administrasyong Arroyo para patuloy na i-harass si President Erap sa pamamagitan ng mga imbentong kaso.
* * *
Liham ng mambabasa:
Nandito po ako sa Israel. Dasal ko na mapawalang-sala na si President Erap. Siya pa rin ang presidente ng Pilipinas para sa akin. Etong si GMA, sinasabi na gumaganda ang ekonomiya dyan sa ating bansa. Pero ang totoo, napakamahal ng mga bilihin, at kaming nagpapakahirap sa abroad ay bumaba pa ang palit sa dolyar pero ang suweldo namin ay hindi naman tumaas. Salot si Gloria sa lahat ng naging presidente. — Cirilo Lao, OFW.
Ginoong Cirilo,
Maraming salamat sa dasal mo at ng milyun-milyong Pilipino. Sa pagbaba ng desisyon ng Sandiganbayan, nawa ay iiral ang hustisya, at idedeklarang inosente si President Erap sa mga bintang sa kanya.
* * *
Para sa mga suhestiyon o komento, mag-e-mail sa doktora_ng_masa@ yahoo.com.ph