EDITORYAL - Mag-ingat sa ‘double dead’ na karneng baboy at manok

NGAYON ay lalong nalalagay sa peligro ang buhay ng mamamayang Pinoy. Hindi pa lumilipas ang isyu sa mga pagkaing may formalin na galing China ay eto at mga “double dead” na karneng baboy at manok naman ang nagbibigay ng pangamba. Marami ang natakot nang biglang sumabog ang isyu sa mga kendi at biscuits na may formalin ilang linggo na ang nakararaan. Sinabi ng Bureau of Foods and Drug Administration (BFAD) na positibo sa formalin ang kendi at biskuwit na gawa sa China. Bukod dito, pati raw mga cosmetics at iba pang produkto ay may halo ring formalin. Ang formalin ay ginagamit na pang-embalsamo. Dahil sa babala ng BFAD, agad inalis sa mga pamilihan ang mga pagkaing gawa sa China.

Ngayon nga ay ang isyu sa mga “double dead” na baboy at manok ang biglang pumutok. Maysakit umanong cholera ang mga baboy. Ang mga namatay ay kinakatay at ang karne ay ibinibenta sa mga palengke sa Metro Manila.

Noong una, inakalang biro lamang ang pagkalat ng mga “double-dead” na baboy na ang karne ay ibinibenta. Isa na naman daw itong kuwentong barbe­ro. Pero nang makumpiska kamakalawa ang limang toneladang karne ng baboy sa Balintawak, Quezon City ay ganap nang nabatbat nang pag-aalala ang mama­mayan. Marami ang nangamba na baka ang nabili nilang baboy sa palengke ay “double-dead” pala.

Ang mga nakumpiskang karne ng baboy at manok sa isang wet market sa Balintawak ay nanggaling umano sa isang piggery farm sa San Jose del Monte, Bulacan. Maysakit ang mga baboy na kinatay. Ang pagsalakay sa wet market ay isinagawa ng National Meat Inspection Service, City Health Office at mga pulis. Ang mga nakumpiskang karne ay agad na sinunog.

Ano pa ang susunod sa pagkaing may formalin at “double-dead” na baboy?

Ang pagkakadiskubre sa mga pagkaing may formalin at mga karneng “bulok” ay maipagkakapuri. Ibig sabihin, hindi natutulog ang mga awtoridad kaya nabuking ang mga ganitong masamang pagkain na makaaapekto sa kalusugan ng mamamayan.

Paigtingin pa sana ng pamahalaan ang pag-monitor sa mga pumapasok na pagkain, hindi lamang ang mga galing sa China kundi maging sa iba pang bansa.

Ang Bureau of Animal Industry at iba pang ahensiya na may kinalaman sa paghahayupan ay nararapat namang magtrabaho nang husto para ganap na mapangalagaan ang mamamayan. Siguraduhing ang mga karne ng baboy at manok ay hindi mapanganib para sa tao. Ayon sa report ang mga karneng double-dead ay madaling makikilala dahil maputla at marami pang balahibo na halatang minadali ang paglilinis. Para hindi mahalata ay tinatapatan ng pulang ilaw ang mga karneng ibinibenta para mukhang sariwa.

Iisa ang payo: Mag-ingat sa mga karneng “bulok”!

Show comments