Nagsulat na ako noon tungkol sa kawawang situwasyon ng ating hukbong sandatahan. Makaluma na ang mga kagamitan natin. Madalas pa nga ay wala na tayong kagamitan. Magandang halimbawa dito ay ang Hukbong Himpapawid. Wala na tayong “front-line fighter” na ginagamit. Ang pangunahing eroplanong panlaban natin, ang S-211, ay isang trainer lamang na linagyan ng baril at “unguided rockets”. Mga Huey helicopters natin ay mula pa sa digmaan sa Vietnam, 1960s-70s. Nagbagsakan na nga ang ilan. Meron naman tayong mga OV-10 Broncos na pwedeng-pwede gamitin sa Basilan. Dapat gamitin na. Ang Hukbong Karagatan naman natin ay gumagamit pa rin ng mga barko na nagmula pa sa pangalawang digmaang pandaigdig. Mga pinaglumaan na pinamigay sa atin. Kailangan malakas ang ating Hukbong Karagatan kasi marami nga tayong mga isla. Higit pitong libo ‘di ba? At dahil nga sa nangyari sa mga Marines natin sa Basilan, nabisto ang kapalpakan ng gamit nila na nakuha sa isang news video. Pagpasensiyahan ninyo na yung pananalita ko, pero supot ang mga mortar rounds na ginamit nila. Ni hindi man nakalipad ang mga ito, kahit hindi na pumutok, dahil baka maka- tsamba man lang ng isang MILF na mabagsakan nito sa ulo. Masakit din yun!
Nakakatawa man isipin yung mortar na yun, eh hindi nakakatawa ang sinapit ng ating mga magigiting na Marines. Bukod sa hindi patas ang labanan, binastos pa ang mga bangkay nila. Maliwanag na kabuktutan. Hindi karapat-dapat para sa isang sundalo. Dito makikita kung sino ang may dignidad sa labanan. Dapat lang ay magkaroon na ng katapusan ang mga bandido na yan.
Sa kabila nito, dapat imbestigahan kung bakit pumalpak ang mga sandata natin, at kung bakit ganito ang estado ng kagamitan ng ating mga sundalo. Maaalala ninyo na isa ito sa mga reklamo ng mga nagsigawa ng Oakwood Mutiny. Totoo na rin kaya na may katiwalian sa militar, na naging sanhi nga ng paggamit ng mga sandatang pulpol? May kumita kaya ng malaki sa pagbili ng mga depektibong sandatang ito? May balita pa nga na yung mga mortar rounds na gamit din ng MILF ay depektibo rin. Saan naman nila nakuha ang mga ito? Pareho ba ang supplier ng sandata ng AFP at ng MILF? Paano naman naging posible yun? Napakaraming tanong, na ang sagot ay hindi na malalaman ng labing-apat na sundalo natin. Nangako silang iaalay ang mga buhay nila para sa bansa. Sinisigaw lang nila na bigyan naman sila ng pagkakataong lumaban ng maayos, na may wastong gamit. Pinatunayan na ng Discovery Channel na sa maraming panig ay mas superior ang gamit ng mga rebelde na AK-47 sa gamit ng mga sundalo nating M-16. Dito pa lang sa saligang sandata, lamang na ang MILF. Siguro naman sa mga mabibigat na sandata, dapat lamang na tayo.