Drug traffickers binibili ang judiciary — PDEA

SINISILAW ng drug traffickers sa malalaking halaga ang hudikatura. Ito ang pahayag ni Dionisio Santiago, hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency, matapos palayain ng Court of Appeals ang pitong Chinese drug lords na sinentensiyan ng lower court nu’ng 2003 ng habambuhay na kulong. “Malungkot ang katotohanan,” ani Santiago. “Naghahanda ang drug syndicates nang malalaking halaga para sa lahat ng lebel ng sistemang hustisya, para masiguro ang paglaya ng mga sentensiyadong kasapakat.”

Pinalaya nina Justices Jose Sabio Jr., Jose Reyes Jr. at Myrna Vidal ang pitong Chinese sa isang teknikalidad. Nang ni-raid daw ng pulis ang shabu lab sa San Juan, Metro Manila, hinakot sa isang kuwarto ang pito habang iniimbentaryo ang ebidensiyang droga at sangkap. Labag daw ito sa Konstitusyon, miski sinunod ng pulis ang    batas na may barangay officials na sasaksi sa imbentaryo.

Nakakapagtaka ang pangyayari. Kadalasan ang mga desisyon ng CA ay pinadadala sa registered mail. Pero sa kasong ito, hand-carried ang desisyon sa Bureau of Prisons, na inatasang palayain ang pito sa loob ng sampung araw. Pero ang mga pulis na nagdala ng kaso, ni hindi man lamang inabisuhan. May himala nga kaya sa hudikatura?

Ayaw ni Santiago, dating Armed Forces at prisons chief, direktang magkomentaryo tungkol sa CA ruling. Aniya, dahil kuwenta acquittal ito, hindi na maaring ipa-reconsider. Nakalaya agad ang isa sa pitong Chinese, umalis na ng Pilipinas. Nang mabalitaan ni Santiago ang desisyon ng CA, agad niyang ipinalipat ang natitirang anim sa jail ng Immigration bureau. Illegal aliens kasi sila nang pumasok sa bansa nu’ng 2001. Napatunayan ito sa lower court, pero hindi pinansin sa CA.

Ibinulong ni Santiago ang isang murderer na pulitiko. Pinalaya din ito ng CA matapos mangakong magbibigay ng P10 milyon. P8 milyon na ang nababayaran, utang pa ang balanse. Pero naghahasik na muli ng lagim ang pulitiko. “Hayo’t bingit buhay ang mga pulis sa pagtugis sa kriminal,” iling ni Santiago, “pero pinalalaya lang ng hudikatura.”

Show comments