KALAHATING buwan na matapos ang eleksyon ngunit wala pa ring proklamasyon ng mga nanalong senador. May resulta na – kita naman ng lahat na pumapalo na sa 16,216,636 si Legarda (nung 2004, nasa 16,194,795 pa lang ang topnotcher nang pinroklama ang mga nanalo sa ika-24 ng Mayo). Ngayon, May 30 na subalit wala pa, kahit partial.
Hinihintay daw matapos ang canvassing dahil, ayon sa batas, hindi maaaring magproklama kung incomplete ang canvass of votes. Kung malinaw na maaapektuhan pa ng mga natitirang COC ang placing ng mga kandidato, tama lang na ipagpaliban muna ang proklamasyon. Aabot pang 6 million ang hindi pa na-canvass na boto na tiyak magbibigay bangungot kina Trillanes, Pimentel, Zubiri at Recto. Sa ganoong argumento, tama rin lang na yung mga hindi na mahahabol pa ay iproklama na. Ginawa na ito noong 2004 at sa halos lahat ng senatorial elections.
Hindi makakatulong ang balita na ang Comelec Commissioner na pinakamataas daw ang kredibilidad, si Rene Sarmiento, ay misteryosong nag-resign bilang Commissioner-in-charge ng Task Force Maguindanao. Habang ang mga mas matanda at amoy lupang Commissioner ay binubuno ang katungkulan, bakit susuko itong pinakabata at makisig na Commissioner? “Health reasons” daw. Ganun na lang ba ka-simple yun? Hula ni Sen. Pimentel, hindi raw masikmura ni Sarmiento ang pandaraya kaya ito nagbitiw. Maaari. Pero nabuko ng ABS-CBN ang pagtatakip ni Sarmiento sa election officer sa Lanao na nahuling nagsisinungaling tungkol sa E.R.s. Dapat lang magpakita ng medical certificate si Sarmiento upang maliwanagan ang tao. Kung wala, iisiping tinatakasan lang niya ang responsibilidad. Kung may nasaksihang anomalya o ayaw magpadala sa sul sol ng Palasyo, magsiwalat. Kung hindi, magbitiw sa posisyong di kayang gampanan.
Bumabaha ang ulat ng katiwalian. Anumang kredibilidad na natitira sa Comelec ay mabilis nang naglalaho. Kung patagalin pa ang proklamasyon ay lalo lang lalaki ang sunog. Diskumpiyado ang tao. Masasalba lang ang tiwala sa sistema kapag itaas na ang kamay ng mga sigurado nang panalo.
Commission on Elections Grade: Talo