NOONG 1979, naghain ng reklamo sa National Hou- sing Authority (NHA) ang PHVA, isang homeowners association sa pangunguna ni Gerry laban sa PSC, owner-developer ng kanilang village. Isa sa mga pagla-bag na inireklamo ng PHVA laban sa PSC ay ang hindi paglalaan nito ng isang ‘‘open space’’ sa naturang subdivision. Matapos magsagawa ng isang ocular inspection ang NHA, napatunayan nitong wala ngang ‘‘open space’’ ang subdivision subalit may nakita itong isang bakanteng lote (Block 40) na may 22,916 square meters na maaaring gamiting ‘‘open space.’’ Kaya, sa pamamagitan ng isang resolusyon noong 1980, inatasan ng NHA ang PSC na ilaan ang Block 40 ng subdivision bilang ‘‘open space’’ nito. Hindi umapela ang PSC kaya naging pinal at maaari nang ipatupad ang resolusyon ng NHA. Gayunpaman, nang maghain si Gerry ng mosyon para ipatupad na ang resolusyon, biglang naglaho ang rekord ng kaso kaya ang mosyon ay pansamantalang nadismis.
Samantala, ipinagbili ng PSC sa kompanyang CTDC ang ilang lote ng subdivision kabilang ang Block 40. Walang kaalaman ang CTDC sa kalagayan ng Block 40. Makalipas ang 10 taon, nahalal ang bagong presidente ng PHVA na si Cely kung saan ito ang nagpatuloy ng laban tungkol sa Block 40. Naghain si Cely ng reklamo sa Housing Land Use and Regutory Board (HLURB) upang buhayin muli ang naging resolusyon ng NHA noong 1980. Isinama rin ni Cely sa reklamo ang CTDC bilang akusado dahil ito raw ay kasunod sa interes ng PSC tungkol sa Block 40. Pinaboran naman ng HLURB si Cely at idineklara nito ang Block 40 bilang ‘‘open space’’ at inatasan ang Register of Deeds na itala nito ang Block 40 bilang anotasyon sa titulo nito. Pinagbawalan din ng HLURB ang pag-angkin ng PSC at CTDC sa Block 40. Ang desisyong ito ay sinang-ayunan ng HLURB Commissioners subalit inatasan nito ang CTDC na humiling sa PSC na bayaran nito ang pinsalang natamo. Tama ba ang desisyong ito?
MALI. Ang resolusyon ng NHA noong 1980 ay hindi maaaring ipatupad laban sa CTDC. Ang orihinal na desisyon na binuhay muli ni Cely ay tumutukoy sa pagitan ni Gerry at ng PSC at hindi sa pagitan niya at ng CTDC. Binili ng CTDC mula sa PSC ang Block 40, hindi bilang isang owner-developer kundi bilang isang karaniwang mamimili ng mga lote. At kahit pagkatapos ng bentahan, hindi naging owner-developer ang CTDC kaya hindi ito maituturing na kasunod sa interes ng PSC. Bukod dito, nang binili ng CTDC ang mga lote, walang anotas-yon sa titulo ng PSC na nagsasabing ang Block 40 ay nakasangla o may karapatan ang ibang tao sa loteng ito. Kaya ang CTDC ay isang mamimiling may mabuting hangarin at hindi dapat pagkaitan ng pag- mamay-ari sa Block 40.
Ang pagpapatupad ng isang pasya ay maari lamang iisyu laban sa mga partido ng aksyon at hindi sa mga taong hindi nabigyan ng isang araw na hukuman, (Panotes etc. vs. City Townhomes Development Corporation, G.R. 154739, January 23, 2007)