SA tingin ko, nang tumakbo sa pagka-Kongresista ng unang distrito ng Bukidnon si Virgilio Garcillano – hindi niya intensyong manalo. Batid na niya sa simula pa lang na siya’y matatalo dahil sa pagdududa sa kanyang reputasyon ng sambayanan. Ang gusto talaga ni Garcillano ay linisin ang kanyang narumihang pangalan.
Malaking dagok sa kanya ang kontrobersyal na “Hello Garci” scandal na kumaladkad sa kanyang pangalan sa sinasabing pandaraya ni Presidente Gloria Arroyo laban sa kanyang katunggaling si Fernando Poe, Jr. nung nakaraang presidential elections. Komisyuner pa ng COMELEC si Garci noon. Naging tampulan ng paglibak ang kanyang pangalan. Ang pangalang Garci ay naging katumbas ng mandaraya o manloloko.
Masyado kasing convincing ang boses ng dalawang nag-uusap sa telepono. Kaboses na kaboses ni GMA ang babae at kaboses na kaboses ni Garcillano ang lalaki. Ang pinag-usapan ay pandaraya sa eleksyon. Bagamat hindi direktang umamin na tinig niya ang nasa bugged telephone conversation, nag-sorry naman on public television ang Pangulo. Sa kabila ng paggisa sa kanya ng Kongreso – wala ring napigang pag-amin kay Garcillano. Pero ang masaklap, kumbinsido ang taumbayan sa ebidensyang pinaniniwalaan nilang matibay at hindi mapapabulaanan.
Ang pagkandidato ni Garci at ang kanyang pagtanggap ng pagkatalo ay upang isigaw ang malakas na mensahe sa mundo: Na hindi siya marunong mandaya. Hindi pa man nagsisimula ang canvassing, nag-concede na siya sa kanyang kalabang si Malou Acosta. Pero nagpahayag pa rin siya ng hinanakit. Kaya raw siya natalo ay dahil biktima siya ng black propaganda. Ang tanong: Makumbinsi na kaya ang taumbayan na hindi mandaraya si Garcillano. Kung mangyayari ito, hindi lamang pangalan niya ang malilinis kundi pati pangalan ng ating Pangulo. Sa tingin ko’y malabong mangyari ito.
Sa pangunguna sa bilangan ng mga kandidato sa pagka-senador ng oposisyon, dinig na dinig ang mensahe ng nakararami. Mensaheng nagpapahayag ng galit sa Pangulo. Sana’y mapawi na ang galit na ito upang magsimulang umahon ang bansa. Ngunit kung ang naka rarami sa mga maluluklok sa Senado ay pawang oposisyunista, para ko nang nakikinita na ang aatupaging muli ay ang pagpapatalsik sa Pangulo sa pamamagitan ng impeachment. Suma total – paralisado ang galaw ng pamahalaan at ang mapipinsala ay taumbayan.