Pero sabi naman ng Office of the Ombudsman walang halong pulitika ang ipinalabas nilang suspension order kay Binay. Trabaho lang ang kanilang ginagawa. May nagsampa ng kasong graft kay Binay at natural lamang na ipag-utos niya sa DILG ang suspension dito. Pati ang BIR ay nakisali at pinigil ang bank account ng Makati at ganoon din ang personal account ni Binay at kanyang vice mayor.
Ang ganitong aksiyon ay lalo lamang nagpadagdag sa kinang ni Binay at nagdagsaan ang mga kababayan niya sa Makati City Hall para siya ipagsanggalang. Natural na ganito ang kanilang gawin sapagkat lumalabas na kinakawawa ang kanilang mayor. At kung sino ang kinakawawa ay iyon ang nakakakuha nang sobrang simpatya.
Mali ang timing at pati ang mga kandidato ng administrasyon ay nangangamba na sa kanila tatalbog ang ginagawang "panggigipit" kay Binay. Sila ang magiging kawawa at maaaring maging dahilan para pulutin sa kangkungan.
Pero dapat din namang magpakita ng halimbawa si Binay. Kung naniniwala siya na walang katotohanan ang mga akusasyon sa kanya ng Ombudsman, BIR at DILG bakit hindi niya hayaang batas ang humatol. Kung malinis ang konsensiya niya wala siyang dapat ikatakot.