Barangay officials inuubos sa Nueva Ecija

RECORDS mismo ng Philippine National Police-Task Force Usig ang naglalantad — pero walang paliwanag. Tatlumpu’t siyam nang barangay officials sa Nueva Ecija ang pinaslang mula 2001.

Kasama ang 39 sa mahigit 700 unexplained killings na naging sanhi ng pagbisita sa Pilipinas ng mga mambabatas mula America at Europe, at ng UN special rapporteur on human rights. Ang 700 ay madalas sabihing mga militante na pinatay ng militar, kundi ng mga dating kasamahang rebeldeng komunista; ‘yung iba’y huwes, prosecutors o mamamahayag na hindi nagustuhan ang desisyon o ulat. Pero kataka-taka na sa Nueva Ecija, kung saan nakabase ang malaking Fort Magsaysay ng Army at wala halos communist New People’s Army, ay puro barangay officials ang tinitira.

Magulo ang pulitika sa Nueva Ecija. Pananaw ng mga pulitiko, mas maraming baril, mas mahusay na pinuno. Ang posisyon sa barangay, maging kapitan, kagawad, sekretaryo o treasurer, ay pulitikal. Kaya tiyak na may kinalaman din sa pulitika ang pamamaslang.

Lahat ng pagpatay ay sa baril; nagkakaiba na lang sa kalibre o haba. Karamihan sa pagpatay ay tinambangan ang biktima sa labas ng tahanan o barangay hall. May ilang pagkakataon na pinasok ng mga salarin ang bahay o opisina. Kadalasan din ay naka-motorsiklo ang mga nanambang. At cool na cool lang kung lisanin ang eksena ng krimen. Minsan, ang salarin ay naglakad patungong bahay ng mayor na kalaban ng pinatay.

May kinalaman kaya sa away-away ng mga pulitiko sa probinsiya ang pagpatay sa mga barangay officials? Malamang. Malimit din kasi ang patayan ng matataas na opisyales sa Nueva Ecija. Tanghaling tapat nang i-assassinate si Mayor Honorato Perez. Kelan lang nagbarilan ang police escorts ng dalawang kandidato.

Karamihan sa mga patayan ay naganap bago pa maupo si police provincial director, Sr. Supt. Allen Bantolo. Pero dapat matigil na niya ito.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments