Walong Pinoy ang kinidnap ng mga militante sa Nigeria noong nakaraang Huwebes. Ang mga Pinoy ay nagtatrabaho sa South Korean company Daewoo. Bukod sa walong Pinoy, 10 iba pang foreigners ang kinidnap. Nilusob ng mga militante ang power plant construction na pinagtatrabahuhan ng mga Pinoy at nagkaroon ng barilan. Hinostage ang mga Pinoy at iba pa at saka dinala sa gubat.
Ayon sa report, nakatawag ang isa sa mga Pinoy hostages sa kanyang pamilya sa Pilipinas at sinabi ang mahirap nilang kalagayan doon. Wala umanong tent sa gubat na pinagdalhan sa kanila, walang pagkain, walang tubig. Sa loob umano ng tatlong araw ay binubugbog sila ng mga militante. Hindi raw nila alam kung ano ang mangyayari sa kanila. Sabi pa ng hostage, ayaw daw niyang mamatay doon.
Nakiusap ang hostage na iparating sa Department of Foreign Affairs ang kanilang delikadong kalagayan. Ayon pa sa report, humihingi ng $1 milyon ransom ang mga militante.
At habang nanginginig sa takot ang mga na-hostage, sabi naman ni Foreign undersecretary Esteban Conejos na wala silang natatanggap na ganyang report. Wala aniyang kumpirmasyon. At sabi pa niya, Nigerian ang nakikipagnegosasyon para sa kaligtas ng Pinoy hostages.
Kung ginawa noon pa ang repatriation ng mga Pinoy sa Nigeria, wala sanang problema ngayon. Hindi sana nag-aalala ang mga mahal sa buhay ng mga Pinoy workers. Hindi na nagkaroon ng leksiyon nang i-hostage noong January 2007 ang 25 Pinoys. Hindi nagpursigi ang OWWA na ilikas na ang mga Pinoy sa nasabing bansa. Ngayon ay problema na naman ang kinakaharap ng bansa. Makabubuting itigil na ang pagpapadala ng Pinoy sa Nigeria. Gawin na ito ngayon!