Sa pagkakapatay ni Juan Duntugan sa American Peace Corps volunteer Julia Campbell, maaaring sisihin din dito ang Cordillera Police Region. Dahil naging inutil ang Cordillera police sa pagpapatrulya sa lugar na dinadagsa ng mga turista, nagawa ni Duntugan ang pagpatay sa kawawang si Julia. Umamin na si Duntugan at ayon nga sa Cordillera police sarado na ang kaso.
Mahusay lamang magsalita ang mga taga-Cordillera police pero ang totoo kung hindi sumuko si Duntugan ay baka nangangamote pa rin sila ngayon at hindi malaman ang gagawin para malutas ang kaso. Pawang "daw" at "raw" sila sa simula ng imbestigasyon at ni hindi nga nila matukoy kung nasaan si Duntugan.
Ang nangyaring pagpatay sa Banaue ay maaaring maulit kung magpapatuloy ang Cordillera police sa pagiging inutil. Ngayong isang buhay na ang nagbuwis doon, dapat kumilos ang hepe ng pulis doon para mapangalagaan hindi lamang ang mga residente kundi pati na rin ang mga turistang dumadalaw. Ang turismo sa nasabing lugar ay isa sa pinagkakakitaan at ito mismo ay inamin ni Tourism Secretary Ace Durano. Bawat araw ay may mga turistang dumadayo roon para makita ang hagdan-hagdang palayan na ginawa ng mga Ifugao.
Pagkaraan ng pagpatay kay Julia saka lamang nag-utos ang PNP sa pamamagitan ni Director Gen. Oscar Calderon na magtayo ng police assistant sa Batad, kung saan napatay si Julia.
Dito nakita ang pagkukulang ng Cordillera police sa pag-secure sa kanilang mga bisita.