^

PSN Opinyon

Magpakatotoo ka na PacMan!

K KA LANG? - Korina Sanchez -
MATAPOS ligpitin ni Manny "PacMan" Pacquiao ang Mexicano (undefeated pa!) na si Jorge Solis, isa pang laban ang hinaharap niya ngayon. At babae pa man din ang makakalaban! Nagsimula nang magbatuhan ng putik ang magkaharap na kandidato para sa pagka Kongresista ng Gen. Santos city — si PacMan at Darlene Antonino-Custodio.

Sinisisi ni Pacman ang Antonino clan para sa umano’y mabagal o halos walang progreso raw sa siyudad ng Gen. Santos sa 20-taong hawak ng mga Antonino ang upuan ng kapangyarihan doon. Sumagot naman si Rep. Darlene na marami na raw ang nabago sa Gensan tulad ng airport, revenue collection at populasyon sa nakaraang 10 taon. Walang bago sa ganitong tactic at pamamaraan sa tuwing nagkaka-eleksyon. Iba lang siguro ngayon dahil isang sikat na atleta ang nag desisyon na pumasok na rin sa madalas na maruming mundo ng pulitika. Ang tanong ay, "Bakit pa? Ano pa bang gusto mong patunayan, Manny?"

Sa programa namin sa radyo ay marami kaming natatanggap na text, kahit bago pa umalis si Manny para sa huling laban nya, na sana’y wag na lang siyang pumasok sa pulitika. Madalas sinasabi na sana maging boksingero na lang sya, na masisira lang sya, hindi siya iboboto, etc. ‘Yung iba naman napakasasakit na mga salita. Pakiramdam ng marami, pagtraydor sa paghanga ng bayan ang ginawa ni PacMan na ginawang puhunan ang kanyang popularidad sa isang larangan para maluklok sa ibang larangan na napakalayo naman ang abilidad na kailangan. Aminin na sana ni PacMan…may kaswapangan ang dating niya rito. Pwede namang tumulong kahit wala sa Kongreso! At sana’y kung mayor ang itatarget niya — na minsan na niyang sinabing unang balak niya. Eh, aminin na rin niya — nagpapagamit siya sa Administrasyon para lang hindi makabalik ang maka-Oposisyon na si Darlene Antonino.

Ke-bagu-bago ni Manny sa pulitika pero sa kampanya palang tra pung-trapo na ang dating! Namimigay ng mga insurance sa tao na malinaw na "vote-buying" ayon sa batas ng eleksiyon! At ang mga sagot sa reporter? Nakow! Parang sanay na sanay sa pag-iwas sa sariling konsiyensiya. Para na rin akong nakapakinig ng spokesman ng Malacañang.

Pero meron din namang nagsasabi na tama ang desisyon niya, na gusto lang niyang tumulong sa Gensan, etc. Maganda naman ang hangarin ng pambansang kamao. Kunsabagay, kung kinalakihan na ni Manny ang pangmamata at pag-alipusta ng mga mas marurunong at edukado — ito’y tila hamon sa pagkatao ni Manny na gusto rin siguro niyang patunayang mali. Eh nakow! Hindi naman lahat ng hamon pinapatulan noh! Lalo na kung taumbayan ang ipit. At kahit ano pa sabihin niyang paliwanag — excuse me, sorry Manny ha, at alam mo naman na fan mo ako bilang boksingero — nagpagamit ka!

Maganda rin namang maging philanthropist, o isang tao na ginagamit ang kanyang oras, kayamanan o reputasyon para makatulong sa nakararaming tao. Mga halimbawa nito ay si Ted Turner na may-ari ng cable channel na CNN, si Bill Gates ng Microsoft, Paul Newman na artista at may ari ng Newman’s Own (isang food company na binibigay sa charity ang lahat ng kinikita sa pagbebenta ng mga produkto nila), at si John Gokongwei na may-ari ng Robinson’s, Cebu Pacific at Sun Cellular. Malaking bahagi ng kanilang kayamanan ay napunta na sa charity. Pwedeng-pwede si Manny dito. Bata pa sya at may ilang malalaking laban pa na pwede pa nyang pagtagumpayan at pagkakitaan. At sa kanyang kasalukuyang kasikatan, marami syang maitutulong hindi lang sa Gensan, kundi sa buong Pilipinas.

Manny, pakatotoo na tayo. Hindi ka pwedeng sikat sa lahat ng larangan. At hindi dapat. Malaki ang binigay ng Diyos sa iyong biyaya. Mali ang motibo ng Administrasyon para ikaw ay isubo diyan sa Lehislatura. Pero dahil nagpagamit ka ngayon, sana’y ang leksiyon na ituturo sa iyo ng Langit ay di masyadong masakit. Kundi ka man matalo ng mga kalaban mo sa ring…kapag Langit na ang nagalit sa’yo pihadong KNOCK-OUT ka.

ADMINISTRASYON

ANTONINO

DARLENE ANTONINO

GENSAN

MANNY

PARA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with