Kahapon ay nadagdagan na naman ang mga napatay na may kaugnayan sa nalalapit na eleksiyon. Apat ang napatay nang magbarilan ang mga badigard ng dalawang pulitiko sa Jaen, Nueva Ecija. Umano’y mga pulis pa ang tumatayong badigard ng dalawang kandidato. Nagsagupa ang kampo ni Rep. Rodolfo Antonino at Mayor Antonio Esquivel dakong alas-onse ng gabi. May mga nadamay na sibilyan sa nangyaring barilan. Sinibak na ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Calderon ang hepe ng pulisya sa Jaen dahil sa kawalan ng kakayahang mapigil ang mga kaguluhan doon. At ang masama pa nga, umano’y mga pulis ang badigard ng mga pulitikong magkaaway. Maraming bayan sa Nueva Ecija ang isasailalim sa kontrol ng Comelec dahil sa hindi mapigil na kaguluhan ng mga kandidato.
Inutil ang Comelec at PNP kung paano masisigurong mapayapa ang election sa May 14. Hindi naipatutupad nang husto ng Comelec at PNP ang gun ban at ang pamamayagpag ng mga private armies. Kung ginagampanan ng Comelec at PNP ang kanilang tungkulin, hindi sana magkakaroon ng mga madudugong engkuwentro gaya nang nangyari sa Jaen.
Lansagin ang private armies at paigtingin ang pagsamsam sa loose firearms. Ito lamang ang tanging paraan para masiguro na maging malinis at mapayapa ang darating na election. Kung walang mga baril, maiiwasan na ang madudugong patayan.
Sibakin naman ang mga pulis na umaaktong badigard ng mga pulitiko. Ang mga ganitong pulis ay hindi dapat sa serbisyo. Hindi sila dapat magpailalim sa mga matatakaw na pulitiko na gagawin ang lahat para lamang manalo.
Ang aksiyon ng Comelec at PNP sa panahon ngayon na grabe ang kaguluhan ay dapat ipamalas. Hindi na dapat madagdagan pa ang mga napapatay kaya gumawa ng tiyak na solusyon para maiwasan ang mga patayan ng magkabilang panig.
Hindi lamang sa Nueva Ecija, ipokus ang tingin kundi sa maraming lugar sa bansa.