Malvar umangal sa Dirty politics sa Bacoor

PUMALAG si Bacoor, Cavite Vice Mayor Edwin Malvar, Liberal Party (LP) candidate sa pagka-alkade. Nagpatawag siya ng press conference kamakailan para ikondena ang dirty tricks ng kalabang si Strike Revilla, kapatid ni Sen. Bong Revilla at kandidato ng Kampi.

Hindi na raw matiis ni Malvar ang maruming siste- mang umiiral sa kanyang bayan tulad ng sabay-sabay na paghalughod sa tahanan ng kanyang mga lider. Kinondena niya ang pagpapakawala ng isang nuisance candidate na nagngangalang Nathaniel Malvar. Sa isang press conference, dinetalye ng kanyang mga kasamang kandidato sa Bacoor ang iba pang panggigipit. Dumalo sa presscon sina Cavite Governor Ayong Maliksi, Rep. Joseph Abaya (Unang Distrito), at ang mga Board Member na sina Raffy Rodriguez at Louie Pagtakhan.

Naghain na si Malvar ng disqualification case laban sa sinasabing nuisance candidate. Hindi raw tunay na Malvar ang lalaking ito. Ginamit lang ang pangalan — at ang nakatatawa, babae pala ang totoong nagmamay-ari ng pangalan. Isinalaysay naman ni Bgy. Chairman Bok Nolazco, kandidato para sa konsehal, ang paghalughog ng may 30 armadong lalaki bandang ika-apat ng madaling araw sa kanyang bahay para sa umano’y pag-aari niyang mga baril.

Ayon kay Nolazco, inutusan daw ni Joel Panelo, umaming tagasuporta ni Strike Revilla ang mga tricycle drivers sa Palico IV, Imus karatig ng Mambog I, Bacoor na bakbakin ang mga poster ni Malvar sa kanilang mga sasakyan. Nauwi ang insidente sa pamamaril ni Panelo upang takutin ang mga drivers. Nadakip ang suspek at ikinulong sa Imus Municipal Police Station. Inamin umano niya na napag-utusan siya ng isang nagngangalang Gerry del Rosario, coordinator ni Revilla, upang takutin ang mga drivers.

Sinabi naman ng kandidato sa pagka-konsehal na si Andoy Remulla na ilang ulit siyang hinarang ng apat na lalaki na umano’y nasa isang buy-bust operation sa kanyang gasolinahan. Nagduda raw si Remulla porke sa tuwing daraan ang apat na lalaki sa gasolinahan ay siya lamang ang hinahanap. Ipinagwawagwagan pa raw ang kanilang mga armas. Itinanggi rin niya na sangkot siya sa droga. Dalawang ulit niyang iniulat sa pulisya ang insidente subalit ayon sa mga ito, legal daw ang naturang operasyon.

Bukas ang kolum na ito para sa panig ni Mayoralty candidate Strike Revilla.

Show comments