Para sa kabuuang detalye ng istorya sama-sama nating basahin ang kuwentong ito.
Inilapit sa amin ni Ramon ang kasong pagpatay sa kanyang anak na si Raymond kung saan ang suspek sa pagpatay dito ay isang pulis, si PO2 Alexander Corcino. Nagalit si PO2 Corcino sa pamilya ng Valencia matapos siyang mapasuspinde nito dahil sa reklamong Grave Misconduct laban dito. Dito nagsimula ang galit ng suspek sa mga Valencia dahilan upang magbanta ito sa kanila.
Nakaaway ni Ronald Valencia ang kapatid ng suspek, si Guilnaldo. Nang malaman ito ng pamilya ni Ronald ay agad naman nitong pinuntahan ng kanyang ina, si Amelia at kapatid na si Rochelle. Nakita ng dalawa na hindi man lang umaawat si PO2 Corcino sa nag-aaway na sina Ronald at Guilnaldo. Ang ginawa pa nito ay hinarang pa raw nito si Amelia upang hindi makalapit sa anak. Pagkatapos noon ay umalis na ang magkapatid kaya naman nagulat na lamang sila na sa pagbalik nito ay may sugat na si Guilnaldo.
Matapos ang nangyaring insidente, hinuli ni PO2 Corcino si Ronald para sa kasong Attempted Homicide habang si Rochelle naman para sa kasong Direct Assault. Sa nangyari ‘yun labis na kahihiyan ang idinulot kay Rochelle dahilan para hindi na ito makapagpatuloy sa kanyang pag-aaral.
Minsang umawat sa away si Raymond kaya naman ng makita ito ni PO2 Corcino ay nakialam din ito hanggang sa magpang-abot ang dalawa. Nagsampa ng kasong Serious Physical Injuries si PO2 Corcino laban kay Raymond subalit nadismiss ang kasong ito.
Ika-27 ng Oktubre 2005 nagpunta si Raymond sa bahay ng kaibigan, si Alvin Argolloso dahil birthday ng kapatid nito. Bandang alas-7:30 ng gabi nang magpaalam na ito na uuwi na sa kanila dahil darating na ang kanyang asawa, si Marina. Lumabas ng si Raymond kasama ang kaibigang si Alvin at nagpasama pa itong bumili ng barbecue para ipang-ulam.
Dumaan ang dalawa sa basketball court na noon ay may naglalaro ng volleyball. Hindi nila alam na naroon pala ang asawa ni PO2 Corcino. Nang maluto na ang barbecue ay umuwi na ang dalawa. Ilang saglit pa lamang ay may narinig na silang paparating na scooter kung saan si PO2 Corcino ang may dala-dala nito.
Hinarang nito sina Alvin at Raymond at pagkatapos ay tinanong ang huli ni PO2 Corcino kung ano ang kanyang problema hanggang sa mauwi sa pagtatalo ito. Sinubukan ni Alvin na awatin ang dalawa subalit bumunot ng baril si PO2 Corcino. Ipinarada nito ang kanyang scooter at pagkatapos ay binunot nito ang kanyang baril kaya naman nagmakaawa pa ito sa kanya na hindi siya lalaban dahil may baril ito.
Pagtalikod ng biktima saka siya binaril ng suspek hanggang sa bumulagta ito sa semento. Hindi pa ito nakuntento sa dalawang beses na pamamaril niya ay muli pa nitong pinaputukan si Raymond.
Matapos ang ginawang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sa pinangyarihan ng krimen. Dinala naman si Raymond sa ospital upang malapatan ng karampatang lunas ang tinamo nitong sugat. Subalit hindi na rin nagtagal ay binawian na rin ito ng buhay. Kasong Frustrated Murder ang unang isinampa ng pamilya ng biktima subalit ito ay inamyendahan sa Murder matapos bawian ng buhay ang biktima sa ospital. Sa resolution ni Prosecutor La Verne Jarollina ng Rizal Provincial Prosecutor’s Office ay na-downgrade ito sa kasong Homicide. Dismayado ang pamilya ni Raymond sa lumabas na resolution. Ngunit hindi pa rin sila nawalan ng pag-asa na maiakyat muli ito sa murder. Nagfile sila ng Petition for Review sa Department of Justice. Matagal na panahon na silang naghihintay sa resolution kaya ito ang nagtulak sa kanila na lumapit sa aming tanggapan.
Naisahimpapawid din namin ang kasong ito sa aming programang "HUSTISYA PARA SA LAHAT" ni Secretary Raul Gonzalez. Nang malaman ni Secretary Gonzalez ang problema ni Ramon ay agad naman itong naaksyunan. Mahigit isang linggo mula noong lumapit sa amin si Ramon ay lumabas na ang resolution. Labis na kasiyahan ang para sa mag-asawang Ramon at Amelia na muling naiakyat ang kaso sa Murder.
Sa ngayon ay nagtatago na ang suspek. Ayon sa pamilya ng biktima, sinubukan silang lapitan ng mga kaanak ni PO2 Corcino upang aregluhin na lang kaso subalit tinanggihan nila ito. Ang tanging hangad nila ay ang mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Raymond. Umaasa silang mapapatawan ng mabigat na parusa ang suspek sa oras na ito ay mahuli. Narito ang larawan ng suspek na si PO2 Alexander Corcino.
Para naman sa mga tagasubaybay ng aking column at tagapakinig ng aming programa huwag kayong mag-atubiling lumapit sa aming tanggapan. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng suspek maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166. Ang aming tang gapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com