Samantala, taong 1995 pinalitan nina Cesar at Cita ang anak na si Manny bilang tagapangalaga ng lote dahil hindi na ito mapagkakatiwalaan. Itinilaga nila ang isa pang anak na si Romy. Sa kabila nito, nagsagawa si Manny ng isang dokumento na kusang-loob ng Pagsasauli ng Lupang Sakahan at Pagpapahayag ng Pagtalikod sa Karapatan ng nasabing lote pabor kina Ernie at Elvie. Kaya, nang bumalik sa Pilipinas sina Cesar at Cita at pasukin ang kanilang lote, kinasuhan sila nina Ernie ng forcible entry. Ayon kina Ernie at Elvie, mula pa 1992 ay ipinaubaya na sa kanila ni Manny ang pamumusesyon sa lote kaya maituturing na nagkaroon sila ng karapatan dito na malaya, mapayapa at nalalaman ng lahat. Iginiit din nina Ernie at Elvie na itinalaga nila si Manny bilang katiwala kaya nanatili ito sa lote. Biglaan,
palihim at may pananakot daw na pinatalsik nina Cesar at Cita si Manny. At nang ilang ulit nilang hilingin kina Cesar at Cita na lisanin ang lote, tumanggi raw ang mga ito at inangkin pa ang pagmamay-ari nito. Tama ba ang reklamo nina Ernie at Elvie?
MALI. Hindi napatunayan nina Ernie at Elvie na nauna silang namusesyon sa lote kaysa sa mag-asawang Cesar at Cita. Nanalo man sila laban kay Ruben ay hindi ito katunayan ng kanilang paghawak sa lote. Sa kabilang banda, nagpatuloy ang pamumusesyon nina Cesar at Cita sa kanilang lote kahit ang mga ito ay nasa Amerika dahil naitalaga nila ang mga anak bilang tagapangalaga nito. Bukod dito, ang 1994 at 1995 tax declarations at resibo nito sa pangalan ni Cesar ay mabigat na ebidensiya ng pamumusesyon. Ang pagbabayad ng buwis ng lupa ay isang positibong indikasyon ng pamumusesyon o pag-angkin sa pagmamay-ari ng isang lote.
Samantala, ang dokumentong kusang-loob na naisagawa ni Manny pabor kina Ernie at Elvie ay walang bisa dahil huwad ang kakayahan ni Manny na maging kinatawan ng kanyang magulang at pumirma sa isang dokumento sangkot ang nasabing lote. Sa katunayan, hindi na si Manny ang tagapangalaga ng lote kundi si Romy nang pirmahan nito ang dokumento. Higit pa rito ang patunay na nanatili ang titulo ng lote sa pangalan nina Cesar at Cita kaya sila ay pinaboran ng hukuman (Article 538, Civil Code) kaysa kina Ernie at Elvie na walang patunay ang pamumusesyon sa lote (Yu vs. Pacleb G.R. 130316, January 24, 2007).