Sa Norway, ibang klase ang paghahanda sa huling paghuhukom. Nagtalaga ang gobyerno ng Doomsday Vault. At iniimbak dito ang lahat ng binhi ng lahat ng halamang matatagpuan sa bawat bansa.
Simple ang pakay ng Norway. Kung sakaling magkaroon ng sakuna na sisira sa pangkalahatang buhay ng tao  nuclear war, salpok ng giant meteor, sukdulang climate change dahil sa greenhouse gases  baka sakali may mag-survive. At kakailanganin ng survivors ang mga halaman para huminga, uminom, kumain, magpastol, gumawa ng damit at bahay. Kaya dapat ay pag-ukulan sila ng mga binhi na uubra sa bagong klima, para mapalaganap muli ang sangkatauhan.
Hindi lang isang kahon ang Doomsday Vault, kundi 1,400 freezers sa buong mundo. Layunin nito mapanatili o maibalik kung sakali ang kasalukuyang biodiversity ng daigdig. Ayon sa United Nations, 75% na ang mga uri na halaman na nasira sa pollution, deforestation at natural na kalamidad. Dapat pangalagaan ang natitirang 25% na sinasandalan ngayon ng 6 bilyong tao sa Earth. Kaya 1,400 ang seed vaults, para may matira miski isa man lang kung sakaling grabe ang pagkawasak na mangyari sa hugis at buhay sa mundo.
Siguro naman, may bansa na mag-iisip ding itago ang egg at sperm cells ng bawat hayop sa lupa. Kasi, kung tutuusin, ang biodiversity ng Earth ay binubuo di lang ng halaman kundi pati ng isda sa dagat, ibon sa ere, at maraming gumagapang sa lupa. Mabubuo ang biodiversity kung isasali sila sa Doomsday Vault, Part 2.