Damayan sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
Bagamat merong mga kasong nababasa natin kung saang magkakapatid, mag-aama, anak at ina ay hindi nagkakasunduan at sila-sila nagkakasakitan, ito’yS_ª "more of an exception than a rule."
Nagsadya sa aming tanggapan si Ernesto del Mundo ng Kamuning, Quezon City upang humingi ng tulong hinggil sa kasong pagpaslang sa kapatid nito at tangkang pagpatay sa kanyang mga pinsan.
Ang biktimang si Edgardo del Mundo ay residente sa Bacoor, Cavite subalit tuwing Sabado at Linggo dinadalaw nito ang kanilang ama na si Edgardo sa Brgy. Sta. Teresa, Alfonso, Cavite. Ganoon din ang ginagawa ni Ernesto kaya sa mga araw na ‘yon ay kapiling nila ang kanilang ama. Ipinagpatayo nila ito ng bahay sa nabaggit na lugar upang doon ay makapagpahinga at sariwa ang kapaligiran nito. May sakit na asthma at diabetes ang kanilang ama, kaya sa payo na rin ng doktor minabuti nilang ilagay ito sa maayos na lugar.
Ika-15 ng Oktubre 2005, pista ng patron sa Brgy. Sta. Teresa. Sama-samang nagsimba sina Ernesto, Edgardo at Eduardo kasama ang iba nilang kamag-anak. Kasama ni Edgardo ang kanyang asawa, si Remedios at mga anak na sina Kevin at Kathleen. Dahil sa pista sa kanilang lugar may kasiyahang nagaganap sa plaza. Nagpaalam si Edgardo sa kanyang asawa na manonood siya sa plaza.
Naiwan si Edgardo at ang pinsan nitong si Marlon Herrera sa plaza na katabi lamang ng kanilang kapilya habang ang kanyang pamilya naman ay nauna nang umuwi sa bahay ng kanilang ama.
Bandang alas-6 ng gabi nang dumating sina Edgardo at Marlon sa plaza. Pagdating nila sa plaza nakita nilang may kaguluhan dito. Doon ay naabutan nilang dinuraan sa mukha ang pinsan nilang si Lito Mojica ng isa sa mga suspeks na si Willy Ligaya. Hindi naman nakialam ang dalawa sa nangyaring iyon dahil naawat naman ng mga barangay tanod ang naganap na pagtatalo ng dalawa kaya naman nagpatuloy na sila sa kanilang panonood.
"Hindi na nila inalam kung saan nagsimula ang kaguluhang nangyari dahil naawat naman ang mga ito," kuwento ni Ernesto.
Alas-9 ng gabi nang tumawag si Remedios, asawa ni Edgardo sa kanya. Pinauuwi na ito dahil ang nais ng kanyang anak na kasalo ito sa pagkain. Kasama ni Edgardong umuwi ang kanyang mga pinsan. Ang hindi nila alam sa pag-uwi na ‘yon ay may nakaambang panganib sa kanila.
Nagpasya sina Edgardo, Lito at Marlon na umuwi na ng bahay. Inihatid naman nina Lito at Marlon si Edgardo sa bahay nito subalit bago tuluyan umuwi napagkasunduan ng tatlo na bisitahin ang kanilang tiyuhin, si Rene. Nang malapit na sila sa bahay nito mula sa madilim na lugar ay bigla na lamang sumulpot si Willy kasama ang kapatid nitong si Raymundo Ligaya na pawang mga lasing at armado ng patalim at pamalo.
Nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga biktima at suspeks. Bigla na lamang silang pinagsasaksak ng magkapatid na Willy at Raymundo. Bagamat may tama rin sa bandang kilay at kamay nagkaroon ito ng pagkakataon na makatakbo upang humingi ng tulong sa kanilang mga kaanak. Pinuntahan nito ang bahay nina Eduardo at mabilis namang rumesponde ang pamilya ni Edgardo.
Paglabas nila nakita nilang naglalakad na si Edgardo na duguan at may mga tama ng saksak sa katawan. Agad nila itong dinala sa pinakamalapit na ospital.
"Dahil sa kulang ang mga gamit sa unang ospital na pinagdalhan namin sa kapatid ko kinailangan itong ilipat sa De La Salle Hospital sa Dasmariñas," sabi ni Ernesto.
Inireport nila sa himpilan ng pulisya ang nangyaring krimen. Pinuntahan naman agad ng mga pulis ang bahay ng mga suspeks subalit hindi na nila ito inabutan at tuluyan nang nagtago ang mga ito.
Samantala dumating rin sa nasabing ospital si Lito na puro taga ang kamay nito. Kinabukasan ng alas-6 ng umaga, ika-21 ng Oktubre 2005 nang bawian ng buhay si Edgardo dahil sa tinamo nitong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagsampa ng kasong Murder at 2 counts of Frustrated Murder ang pamilya ng mga biktima laban sa mga suspek na sina Willy at Raymundo. Hindi naman dumalo ang mga ito sa preliminary investigation. Lumabas ang resolution at pumabor naman ito sa pamilya ng mga biktima.
Hangad nilang mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Edgardo. Umaasa silang mahuhuli na rin ang mga suspek upang pagbayaran nito ang krimeng ginawa nila.
Narito ang litrato ng mga suspeks na sina Willy at Raymundo Ligaya.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng mga suspeks para sa ikabibilis ng kalutasan ng kaso, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com