Sa dami ng titulo ni Villar, siguradong nahirapan ito sa pagpili ng nickname sa kanyang certificate of candidacy. Siya ang Pangulo ng Nacionalista Party, "the real Mr. Palengke", Dean of the Real Estate Industry, T.O.Y.M., Most outstanding CPA, at may katakut-takot na Honoris Causa sa mga Pamantasan at Kolehiyo. Lahat ng ito, plus MBA mula sa UP, ay pruweba ng kanyang mataas na kwalipikasyon.
Pero kung sukatan ng liderato ang pag-uusapan, ang kanyang Senate Presidency at Speakership ang may pinakamabigat na timbang. At ang rekord niya rito ay hindi basta-basta. Bilang Senate President ay ipinaglaban niya ang independence ng Senado sa katakut-takot na pressure na magpatiwakal sa ngalan ng Charter change. At sa kanyang pag-upo, ang normal output ng Senado na kulang-kulang 40 batas kada taon ay biglang tumalon sa halos 200! Ganun din ang pagpastol niya nung siya’y House Speaker. Hindi birong ipagkasundo ang nagtitigasang ulong mga senador at kongresista. At sino ang makakalimot sa kanyang pag-refer ng ERAP Impeachment Complaint sa Senado, labag sa patakaran at kagustuhan ng plenaryo, sa pamamagitan ng opening prayer ng makasaysayang Nov. 13, 2000 session?
Walang kadudaduda ang karapatan ni Villar na mabalik sa institusyong ipinagtanggol at pinarangalan, bitbit ang platapormang entrepreneurship, protection of women, livelihood training, environment at, siyempre, mismong survival ng Senado. Ang kanyang halimbawa ay inspirasyon sa karamihan ng ating mamamayang nabubuhay pa rin sa kahirapan. Na kahit taga-Tondo ay may mararatnan sa lipunan, maging sa hanapbuhay o sa pulitika. Tulad ni Senate President Manny Villar, basta may Sipag at Tiyaga, may mahihita.
Manny Villar: Kwalipikasyon: 95/Plataporma: 95/ Rekord: 95
Total: 95