"Dito na lang sana ako sa Langit, San Pedro," sagot ng senador. "Pero kung libre ang tour, sige silipin ko na rin ang hitsura ng Impiyerno."
Dali-dali silang napadpad sa pintuan ng Impiyerno. Sinalubong sila ng balbasing mamang nakasuot ng three-piece suit at hinila si senador sa loob. Napunta sila sa gitna ng malaking party. Nagsasayahan, sayawan at kantahan ang mga tao. Bumabaha ang champagne at masarap ng pagkain: Lobster, sugpo, balot, lechon, steak. Sa labas ng hall, may napaka-berdeng golf course. Nakita ni senador ang ilang kaibigan na pumapalo ng bola. Nawili siya sa tanawin at inabot nang gabi. Binigyan siya ng mamang naka-suit ng tatlong masahista na pumawi ng pagod niya. Inumaga sila.
Kumatok si San Pedro sa pinto at sinabihan si senador na tapos na ang tour ng Impiyerno. Sa Langit naman sila tumungo. Nag-aawitan ang mga anghel at kaluluwa sa mga ulap: Mga awit ng papuri at pasasalamat.
Hinarap ni San Pedro si senador: "Sir, pumili na po kayo kung saan niyo gusto." Medyo nahihiya si senador: "Sa totoo lang, dapat Langit agad ang piliin ko, pero sa nakita ko kahapon na kaayusan sa Impiyerno, tila hindi naman siguro masama kung ‘yun ang piliin ko, ‘di ba?"
Sa isang kislap, napabalik sa Impiyerno si senador. Laking gulat niya nang mapansing wala na ang golf course at sa halip ay kumunoy ang nandoon. Nalulunod sa burak ang mga kaibigan niya. At ang hall kung saan may party ay nilalamon ng apoy. "Ano ito?" tanong ni senador sa mamang dati’y naka-suit pero ngayon ay hubad, labas ang buntot at may taglay na trident. "Bakit nawala ang kasiyahang nakita ko kahapon?"
Sagot ng mama: "Para ka namang hindi sanay, senador. Kahapon, nangangampanya kami. Ngayon bumoto ka na."