At hindi lamang imbestigador ng UN ang dismayado sa nangyayaring pagpatay sa mga akti-bista at mamamahayag sa Pilipinas kundi pati na rin si United States ambassador Kristie Kenney. Kung noon ay tahimik ang US sa mga nangyayaring extrajudicial killings sa Pilipinas, ngayon ay bina-sag na nila ang katahimikan. Salamat sa matapang na pag-iimbestiga ng UN sapagkat nagbigay ito ng inspirasyon sa US na ihayag din ang kanilang pagkadismaya sa nangyayaring patayan sa bansa.
Sa report ng Melo Commission, sangkot ang military sa mga nangyayaring pagpatay sa mga aktibista. Partikular na tinukoy si retired army Maj. Gen. Jovito Palparan na "utak" sa mga pagpatay. Sa bawat probinsiyang pagdestinuhan kay Palparan, maraming tumitimbuwang na mga aktibista at pinaghihinalaang leftist. Nang madestino si Palparan sa Oriental Mindoro, maraming pinaghi-hinalaang aktibista o komunista ang dinukot at pinatay. Maraming namatay sa Or. Mindoro na hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ng hustisya ang mga kaanak ng biktima.
Sa mga nangyaring krimen ay walang ibang tinitingnan kundi ang klase ng pamumuno ni President Arroyo na hindi binibigyang pansin ang mga nangyayaring extrajudicial killings. Siya higit sa lahat ang binabatikos sa mga nangyayari na noon pang 2001 na umupo siya sa puwesto ay lumobo ang mga pagpatay sa mga aktibista at pinaghihinalaang leftists.
Nang magsalita si Ambassador Kenney sa isang pagtitipon noong isang araw, sinabi niyang dapat wakasan ng Philippine government ang mga nangyayaring pagpatay. Ang mahalaga raw ngayon ay kumilos ang gobyerno. Kailangan daw mag-imbestiga at saka iprosecute ang lahat ng responsible sa mga nangyayaring pagpatay.
Dapat kumilos si Mrs. Arroyo. Hindi ba biro ang mga nangyayaring pagpatay. Nababalita ang Pilipinas hindi sa magagandang bagay kundi sa mga malalagim na pagpatay.