Noong nakaraang linggo isang journalist na naman ang napatay. Bagamat hindi related sa election ang pagkakapatay kay Hernani Pastolero, editor-in-chief ng Lighting Courier sa Cotabato City, ang tanong dito ay ang pag-alagwa ng mga hired killers gamit ang baril. Tila walang katapusan ang pinagkukunan ng baril. Bakit hindi ito matiktikan ng mga maykapangyarihan. Dalawang bala ng caliber .45 ang tumapos sa buhay ni Pastolero. Ayon sa mga nakasaksi, hawak pa ng gunman ang baril habang papalayo sa lugar ng insidente.
Si Pastolero ang unang journalist na napatay ngayong 2007 at ika-50 mula nang maluklok si President Arroyo noong January 2001.
Baril ang ginamit sa pagpatay kay Pastolero at maaaring madagdagan pa ang ganitong krimen sa kabila na may gun ban ang Comelec. Ang nakapa ngangamba ay baka mapabilang na naman sa unsolved crime ang pagpatay.
Noong nakaraang Linggo rin, nahulihan ng mga bala ang isang congressman mula sa Laguna habang isinasailaim sa x-ray ang kanyang bagahe sa NAIA. Itinanggi ng mambabatas na sa kanya ang mga bala. Planted daw iyon. Isa pa rin itong kaso ng paglabag sa pagdadala ng armas.
Ipinagmamalaki ng Philippine National Police na 493 baril ang kanilang nasamsam mula nang ipairal ang gun ban. Bukod sa nasamsam na mga baril, nakaaresto rin ang PNP ng 575 katao dahil sa pagdadala ng baril.
Walang ibang makasasagot sa katanungang bakit maraming nakakalat na baril kundi ang PNP na rin mismo. Masyadong relax ang mga pulis at hindi ganap na namamanman ang mga galaw ng gun runners. Ang dapat panatilihin ay ang maigting na pagbabantay sa kapaligiran. Dagdagan ang checkpoints.