^

PSN Opinyon

Talamak ang jueteng at VK sa hurisdiksiyon ni Gatdula!

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
NALINGAT lang ng ilang sandali si QCPD director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula at heto’t nagbukasan ang mga pasugalan sa kanyang area. Siyempre, ang unang napapansin ay ang untouchable na jueteng lord na si Togo Francisco na mukhang hindi kayang tibagin ni Gatdula nga. Pero sa totoo lang, hindi lang jueteng ang madamo sa ngayon sa hurisdiksiyon ni Gatdula kundi maging ang video karera na mga bata o estudyante ang nagugumon. Hindi lang yan? Pati mga adik ay video karera rin ang kinagigiliwan o malimit parausan ng oras. Dapat sibakin ni Gatdula ang naglilipanang jueteng ni Togo Francisco at mga video karera sa kanyang lugar at baka maging dahilan pa ito para maunsiyami ang kanyang promotion sa pagka-heneral. At may posibilidad din na magamit ng mga pulitiko na isyu itong jueteng at video karera sa May elections.

Nang maupo si Gatdula sa puwesto niya, aba, nagsarahan ang jueteng ni Francisco at mga video karera nina Danny Santos, Rolly Hernandez at Buboy Go. Siyempre, takot sila na baka abutin sila ng kamalasan sa kamay ni Gatdula nga. Kaya lang, habang palapit na ang elections, biglang nagbukasan naman ang jueteng at video karera na sa tingin ko ay hindi papayagan ng pamahalaang lokal tulad ng nangyari sa Small Town Lottery (STL). Kaya nagtataka ang mga suki ko kung bakit biglang umiba ang ihip ng hangin at naglatag ng kani-kanilang illegal na negosyo ang mga financiers na sina Togo Francisco, Danny Santos, Rolly Hernandez at Buboy Go. He-he-he! Bilang na ang araw nitong apat na Herodes, di ba mga suki?

Bilang giya kay Gatdula, ang mga kubrador ni Togo Francisco ay kumukubra ng taya sa Bgys. Balintawak, Baesa, Sangandaan at Bgys. Talipapa, Sauyo, Bagbag, San Bartolome sa Novaliches. Ang video karera naman ni Danny Santos ay nakalatag sa sakop ng Stations 3 at 4 sa Sangandaan hanggang Novaliches; sa Station 6 at 9 naman sa Commonwealth at Cross na Ligas Barrio ang kay Rolly Fernandez samantalang ang kay Buboy Go naman sa sakop ng Station 1 at 2 sa La Loma at Baler. Pilit na inaabot pa ng aking mga suki diyan sa lugar ni Gatdula kung sinu-sino ang mga kubrador ni Togo Francisco at mga tauhan naman nina Santos, Hernandez at Go. May kasagutan ako sa problemang ito ni Gatdula sa darating na mga araw.

Sa ganang akin naman, hindi lang dapat si Gatdula ang tuunan natin ng pansin kung bakit nagsulputang muli ang pasugalan sa kanyang lugar. Ang bulung-bulungan kasi sa QCPD, hindi naman magkakaroon ng lakas ng loob ang mga financiers ng jueteng at video karera na magbukas ng kani-kanilang negosyo kahit saang lugar sa Metro Manila kung walang basbas ni NCRPO chief Dep. Dir. Gen. Reynaldo Varilla. Bukas na bukas na kasi ang jueteng sa ngayon sa Metro Manila at si Varilla na lang ang hindi nakaaalam. Noong panahon kasi ni dating NCRPO chief ret. Dir. Vidal Querol, sarado ang jueteng sa Metro Manila nang napakatagal na panahon. Kaya mga suki, hindi lang dapat si Gatdula ang inyong sisihin sa nagkalat na jueteng at video karera sa sakop niya. May pagkukulang din kasi si Gen. Varilla. Abangan natin ang reactions nina Varilla at Gatdula laban sa jueteng ni Togo Francisco at video karera nina Danny Santos, Rolly Hernandez at Buboy Go sa susunod na mga araw. Habulan ’to tiyak!

BUBOY GO

DANNY SANTOS

GATDULA

JUETENG

KARERA

TOGO FRANCISCO

VIDEO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with